3 bayan sa Aurora ‘di madaanan dahil kay Juaning

INIULAT ngayon, Hulyo 28, ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) na may ilang kalsada sa lalawigan ng Aurora ang hindi na madaanan dahil sa mga maliliit na pagguho.

Isolated ngayon ang mga bayan ng Casiguran, Dinalungan, at Dilasag sa lalawigan ng Aurora.

Bunsod pa rin ito ng pananalasa ng bagyong Juaning dahil sa lalawigan ng Aurora tumama sa lupa ang bagyo 9:30 kahapon ng umaga, Hulyo 27.

Mayroon na ring naitalang pagbaha at landslide sa hilagang-bahagi ng Aurora pati na ang pagkakaroon ng pagguho sa Baler-Bongabon Road.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga relief goods na ipamamahagi sa mga nasalanta ng bagyo.

Iniulat din ng RDRRMC na hindi na pinayagan ang mga motorista na dumaan sa Baler-Bongabon road dahil sa palagi ritong nagkakaroon ng mga pagguho.

Ang Minanga River ay umapaw rin na naging dahilan upang bumaha sa ilang lugar sa Casiguran, ayon sa RDRRMC.

Maging ilog Tabas sa bayan ng Casiguran ay umapaw na rin dahil sa malakas na mga pag-ulan.

Sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon, sinabi ni Gov. Bellaflor Angara-Castillo na ang lahat ng mga local government units (LGUs) ay nakahanda upang tumulong sa mga apektadong residente.

Ang mga disaster teams na may rubber boats at maging ang mga rescue vehicles ay nakahanda ring ipadala agad upang tumugon sa mga emergency, na may back up ng mga tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply