3 Chinese, 4 Pinoy tiklo sa droga

SA LOOB lamang ng isang araw ay tatlong pinaghihinalaang shabu laboratories ang sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong Chinese national at apat na Filipino na sangkot umano sa paggawa at distribusyon ng iligal na droga sa Quezon City, Antipolo City at Pampanga .

Sa isinumiteng ulat kay PDEA Director General Jose S. Gutierrez Jr.,  ang nasabing operasyon ay inilunsad noong Hunyo 30 ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Intelligence and Investigation Service (IIS), Special Enforcement Service (SES), Metro Manila Regional Office (MMRO) at Regional Office 3.

Kabilang sa sinalakay ang isang kitchen type shabu laboratory sa Block 6, Lot 2, Irvin Place 1, Filinvest East Homes, Antipolo City, Rizal, kung saan nadakip ang Chinese national na si  Lawrence Yu kasama ng dalawang Filipino na sina  Elmer Doctor at Kisses Dela Cruz.

Nakumpiska sa mga suspek ang  walong self-sealed plastic bags na naglalaman ng shabu, apat na self-sealed plastic bags na  naglalaman din ng hinihinalang shabu, tatlong  self-sealed plastic bags na naglalaman ng tabletas, ibat-ibang uri ng kemikal at mga kagamitan sa laboratoryo at paraphernalia.

Kabilang din sa kinumpiska ang isang Black Ford F150 (WSU-727) at isang Nissan Sentra (XRT-619).

Kasunod na sinalakay ang isang drug den sa LNS Body Kits na nasa  panulukan ng 1326 E. Rodriguez Sr., at  Balete Drive, Quezon City kung saan nadakip ang Chinese national na si Herbert Yu kasama ang Filipino bodyguard na si Agustin Longganay.

Nakuha sa mga suspek ang dalawang self-sealed plastic bags ng cocaine,  dalawang units ng computer CPU, maraming baril at bala at ibat-ibang hand and riffle grenades.

Kasama ring kinumpiska ng PDEA ang isang White Hummer H2 vehicle na may plakang 8.

Kasunod nito, isang kitchen-type laboratory ang winasak ng PDEA sa Barangay Sta. Monica, Sta. Rita, Pampanga kung saan maliit na produksiyon lamang ng shabu ang ginagawa ng isang Ali Ang alias “Peter Chu”  na inaresto kasama ang isang Marouf Kasan na kinakasama ng kapatid ni Chu.

Nakuha rin sa lugar ang dalawang heat-sealed plastic sachets ng shabu, assorted chemicals at isang Black Honda Civic (XHZ-466).

Lumilitaw sa record na minsan na ring nadakip si Ang sa ARMM noong 2009 dahil sa kahalintulad na kaso sa paggawa  ng shabu pero pinalaya noon sa hindi pa malamang kadahilanan .

Pansamantalang nakapiit ang mga hinuling suspek sa MMRO detention facility ng PDEA National Headquarters Compound sa Quezon City habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga  ito habang patuloy pang sinusuri at inaalam ng  PDEA Laboratory Service ang dami at timbang ng mga  nakumpiskang droga at kemikal. Alex Ching

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply