3 kaso laban kay GMA inihain sa Ombudsman

PANIBAGONG tatlong kaso ang inihain ng dalawang kongresista sa Ombudsman laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at kay dating PCSO general manager Rosario Uriarte.

Mismong si Acting Ombudsman Orlando Casimiro ang tumanggap sa reklamong inihain nina Bayan Muna Rep. Teddy Casiño at Neri Javier Colmenares.

Mga kasong graft, malversation at plunder ang inihain laban sa dalawa kaugnay sa diumano’y mga anomalyang naganap sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at paggamit sa P325 milyong intelligence fund ng nabanggit na ahensya.

Nakasaad sa reklamo na iligal ang pagkaka-divert ng pondo ng PCSO at hindi lamang basta-basta pagnanakaw diumano sa pondo ng bayan kungdi pagnanakaw na rin sa pera ng mahihirap na dapat ay nagagamit sa pagpapagamot ng mga higit na nangangailangan.

Malaki ang paniwala nina Casiño at Colmenares na maaaring nagamit ang naturang mga pondo sa pamumulitika at pagkamal ng yaman.

Naging basehan din ng dalawang kongresista ang mga dokumentong nakalap nila at pag-amin ni Uriarte sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Kasabay nito ay isinulong ng dalawang mambabatas na isailalim sa lifestyle check sina Arroyo at Uriarte at i-freeze ang mga yaman nito maging ang mga dokumentong naglalaman ng liquidation report na nag-uugnay sa anomalya sa PCSO.

Nangako naman si Casimiro na ang kasong ito ay isa sa mga prayoridad ng Ombudsman.

Hanggang sa mga oras na ito ay walang reaksyon o pahayag mula sa kampo nina dating Pangulong Arroyo at Uriarte kaugnay sa isinampang panibagong kaso laban sa kanila.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply