4 na karnaper dedo sa engkwentro

TODAS agad ang apat na hinihinalang mga carnaper habang nakatakas naman ang isang kasamahan ng mga ito matapos makipagbarilan sa mga pulis nang iwasan ang checkpoint kaninang (Martes) madaling araw sa Caloocan City.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Antonio Decano ang isa sa apat na napatay na si Michael Casiguran 34, residente ng Blk 7, Lot 1, Bagong Nayon 11 Quezon City.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlo pang namatay habang tinutugis pa ang isang nakatakas na kasamahan.

Sa ipinadalang report ni P/C Insp. Rodrigo Soriano, hepe ng Station Investigation (SID) kay Caloocan City Police Chief Sr. Insp. Jude Wilson Santos, dakong 1:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng 12 Ave., Corner Biglang Awa St., Barangay 96-97 Caloocan City.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng checkpoint ang mga operatiba ng Anti-Carnaping Unit sa pamumuno ni PS/ Insp. Allan Emlano sa nasabing lugar nang mapansin ng mga ito ang Vios Se7en 99 Taxi (TYU 560) na kahina-hinala.

Bigla na lamang lumiko at humarurot ang taxi kaya hinabol ito ng mga pulis hanggang sa magkaroon ng engine trouble ang nasabing taxi at dito na sila nakorner ng pulisya.

Habang papalapit ang mga pulis, bigla na lamang nagbabaan sa taxi ang limang kalalakihan na pawang mga armado ng kalibre .38 at 9mm na baril at sabay-sabay na  pinaputukan ang mga operatiba.

Napilitang gumanti ng mga awtoridad at nagkaroon ng palitan ng putok. Matapos ang ilang minutong putukan ay bumulagta sa kalsada ang dalawa na agad na binawian ng buhay.

Dinala naman sa President Diosdado Macapagal Memorial Hospital ang dalawa pa subalit hindi na rin umabot ng buhay habang nakatakas ang isang hindi rin nakilala.

Nabatid na bago ang naganap na insidente, nakatanggap ng impormasyon ang Tactical Operation Center (TOC) ng Caloocan-PNP hinggil sa isang taxi na kinarnap ng limang hindi nakikilalang lalaki sa A. Mabini St ., Maypajo ng nasabing lungsod.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply