40-taong kulong sa dudukot ng media

MAKUKULONG nang hindi lalagpas sa 40 taon ang sinumang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na dudukot sa sinumang aktibista o miyembro ng media.

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ngayon, Martes, ang panukalang parusahan ang sangkot sa enforced o involuntary disappearance, tulad nang pagdukot kay Jonas Burgos na hindi pa nakikita hanggang ngayon.

Base sa Senate Bill No. 2817, o mas kilala bilang  “An Act Defining and Penalizing the Crime of Enforced or Involuntary Disappearance,” na nagpapataw ng 20-40 taong pagkakakulong sa sinumang sangkot sa imboluntaryong pagkawala ng isang indibiduwal.

“Involuntary disappearance refers to the deprivation of liberty committed by state authorities such as the military, police or other law enforcers or by persons or groups of persons bearing authorization or the consent and support of public officers,” paliwanag ng panukala.

Ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, pangunahing awtor ng panukala at chairman ng Senate committee on justice and human rights, walang batas sa ngayon na tumutukoy sa pakahulugan at parusa sa enforced disappearances.

Sa ngayon, kapag may dinukot na aktibista o miyembro ng media, inirereklamo lamang ito bilang kidnapping, murder o illegal detention.

Iginiit ni Escudero na magkakaroon ng sapat na lakas ang batas katambal ng inaprubahang Anti-Torture Law laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan ng estado.

“The crime of involuntary disappearance is not yet considered a crime under our laws, so we are endorsing this bill to institute mechanisms and strengthen existing policies in favor of human rights,” aniya.

Idinagdag pa ni Escudero na ginagarantiya ng panukala na kailangang abisuhan kaagad ang pamilya ng biktima, kabilang ang abogado nito o alinmang human rights organization, hinggil sa kinaroroonan o kundisyon ng detenido.

Ipinagbabawal din ng panukala ang pagpapalabas ng “order of battle” o anumang katulad na kautusan ng pulisya, military o anumang law enforcement agency upang pangatuwiranan ang sapilitan o imboluntaryong pagkawala ng isang indibiduwal.

Patuloy na dumadami ang bilang ng aktibista at media na nawawala simula pa noong administrasyon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos, na tinatayang aabot na sa 900 alinsunod sa datos na nakalap ng Karapatan, isang organisasyon hinggil sa karapatang pantao.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply