4,331 ‘litterbugs’ nahuli na Makati

IPINAKITA ng lokal na pamahalaan ng Makati City na seryoso sila sa pagtulong sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kampanya nito laban sa walang disiplinang pagtatapon ng basura sa kalsada makaraang umabot sa 4,331 katao ang kanilang naaaresto sa loob ng anim na buwan ngayong taon.

Sa ulat ng Makati Department of Environmental Services (DES), nasa kabuuang 4,331 na ang kanilang nadadakip mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito sa kanilang “anti-littering campaign drive.”

Sinabi ni DES office-in-charge Lydia Donato na mas mataas ang naturang bilang ng 20 porsiyento kumpara sa kanilang nahuli noong 2010 sa katulad na mga buwan na 3,620.

Ibinabase nila ito sa kanilang ordinansa na City Ordinance no. 2003-095 0 Solid Waste Management Code.

Sinabi rin ni Donato, patuloy pa rin ang gawi ng marami na walang pakialam na pagtatapon ng upos ng sigarilyo, mga papel, resibo at balat ng candy sa kalsada na kapag naipon ay dahilan ng pagbabara ng mga daluyan ng tubig na magiging sanhi naman ng baha.

Sa naturang bilang, 611 o 14 na porsiyento dito ay residente ng Makati habang ang natitirang 86 na porsiyento ay mga dayo sa lungsod. Karamihan sa mga nadakip ay mga lalaki na nagdaraan sa mga kalsada.

Umaabot na rin umano sa P601,000 ang multang kanilang nakokolekta buhat sa mga nahuhuling lumalabag sa ordinansa. Ang mga naaaresto ay awtomatikong tinitikitan at pinagmumulta ng P1,000.

Sa datos ng MMDA, higit 49,000 na ang kanilang nadadakip na “litterbugs” ngayong Hunyo mula nang muling paigtingin ang kampanya laban sa pagtatapon ng basura sa kalsada kasabay ng pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply