5 lalawigan nasa state of calamity

TUMAAS na sa limang lalawigan ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding epektong iniwan ng Bagyong Juaning.

Nasa state of calamity na ngayon ang Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte at Quirino.

Inaprubahan ang pagsasailalim sa state of calamity ng limang lalawigan para magamit ang calamity fund na pantulong sa mga biktima ng bagyong Juaning.

Kabilang sa mga pinsalang iniwan ng bagyong Juaning ay baha, landslide, pagkawasak ng mga bahay, tulay at pagkasira ng mga pananim at iba pa

Bagama’t tuluy-tuloy naman ang tulong mula sa national government ay kailangan pa rin ng ayuda mula sa local government units para matugunan ang pangangailangan ng mga biktima.

Samantala, wala namanng tigil sa pagbibigay ng tulong ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga biktima ng bagyong Juaning.

Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, kahapon pa nila sinimulan ang pamimigay ng relief goods sa mga naapektuhang pamilya ng kalamidad.

Tinukoy ni Soliman sa lalawigan ng Albay kung saan nakapagkaloob sila ng P6 milyong halaga ng family packs na binubuo ng mga bigas, used clothes, banig at ilan pang kailangan ng mga biktima.

Tiniyak din ng kalihim na handa na rin sila sa panibagong bagyo na papasok sa bansa.

Binigyang diin ni Soliman na nakaposisyon na sa kanilang regional offices ang mga kailangang relief goods na pwedeng kaagad ipamigay sa mga maapektuhan ng papasok na bagyong Kabayan sa bansa.

Aminado si Soliman na wala pang dahilan para magrelax ang kanilang mga tauhan dahil pagkatapos ng bagyong Juaning ay papasok naman ang panibagong bagyo na puwedeng puminsala muli sa bansa. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply