500 militante mula C. Luzon lumusob sa Batasan

LUMUSOB ang may 500 militante mula sa iba’t ibang lalawigan sa Central Luzon sa Batasan Complex para kalampagin si Pangulong Benigno Aquino III.

Ayon kay Fabbie Hallig, secretary general ng ACT-CL, mula sa hanay ng KABATAAN-CL, CEGP, AMBALA, ULWU at BAYAN ang bumubuo ng mga militanteng grupo na nag-rally sa harapan ng Kongreso.

Aniya, layunin ng naturang pagkilos ay upang kalampagin at ipaabot kay Pangulong Aquino na hindi kuntento ang mga mamamayan sa performance niya sa loob ng isang taong pamumuno.

Nagbubulag-bulagan din anila ang Pangulo sa maraming isyu kabilang na ang usapin sa Hacienda Luisita dahil hindi nito ipinatutupad ang tunay na reporma sa lupa para proteksyunan ang interes ng mga kamag anak na siyang may-ari nito.

Ayon naman kay JP Malenab, opisyales ng CEGP Central Luzon, puro kahambugan at kayabangan lamang ang iuulat ni Aquino sa SONA.

Sinabi pa ni Malenab, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang malinaw na programa ang Palasyo sa edukasyon at imbes na dagdagan ang badyet ng mga state university ay tinapyasan pa ng malaking halaga ang badyet na inilaan para dito.

Idinagdag pa nina Hallig at Malenab, patuloy ang gagawing pangagalampag ng mga militante mula sa Central Luzon sa Pangulo lalo pa at wala pa silang nakikitang kongkretong programa ang Palasyo para resolbahin ang mga isyu ng edukasyon, reporma sa lupa, pagtaas ng petrolyo, tamang pasahod sa mga manggagawa at iba pa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply