6,000 HDOs, watchlists ibinasura ng Immigration

KULANG-KULANG sa 6,000 indibidwal na may Hold Departure Order (HDOs) at nasa watchlist ang ibinasura na ng Bureau of Immigration (BI).

Sa ipinalabas na kalatas, sinabi ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. na nagpalabas ng direktiba kamakailan si Justice Secretary Leila de Lima sa kawanihan na naglilinis sa listahan ng mga personalidad na hindi papayagang makalabas ng Pilipinas.

Dahil dito, tinanggal na nila sa talaan ang 810 indibidwal na may HDO at 5,005 personalidad na may watchlist at kailangang humingi ng permiso sa Department of Justice at sa kawanihan para makalabas ng bansa.

Umaasa rin si David na mababawasan na ang mga nagrereklamong pasahero dahil nagkataon na nasa listahan ng mga personalidad na hindi pinapayagang makalabas ng bansa ang kanilang mga pangalan.

Sinabi pa nito na batay sa kanilang pagrerebisa, mahigit sa isang libong expired hold departure orders at watchlist na ang dapat matanggal sa kanilang record sa mga susunod na linggo.

Gayunpaman, ipinagdiinan din ni David na hindi tatanggalin sa record ang mga HDO at watchlist na may nakabinbing kaso sa hukuman.

Hinikayat pa ng punong opisyal ng kawanihan ang publiko na bisitahin ang kanilang website www.immigration.gov.ph upang malaman kung ang kanilang pangalan ay nasa talaan ng may HDO at watchlist.

Ayon naman kay BI Law and Investigation Division (LID) chief Arvin Santos, awtomatikong tinanggal na sa listahan ang mga ipinalabas na HDO at watchlist bago ang petsang Mayo 25, 2010.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply