Abalos pumiyok sa isyu ng ‘dagdag-bawas’ fraud

KINUMPIRMA ni dating Commission on Election (Comelec) chairman Benjamin Abalos Sr. na hindi malayong may “dagdag-bawas” na nagaganap sa mga eleksyon sa bansa.

Sa press conference kahapon sa Max’s Restaurant sa Mandaluyong City, sinabi ni Abalos na malaki ang posibilidad na may dayaang nangyayari, subalit ito ay nagaganap sa precinct at municipal level lamang.

Ayon sa dating Comelec chief, hindi na umaabot sa kanila kung mayroon mang dayaan dahil sa ang nakakarating sa kanila ay ‘yung mga election returns na lamang na ipinapasa mula sa municipal level.

Pinabulaanan din ni Abalos na mayroon siyang alam sa umano’y dayaan noong 1997 senatorial election, ayon kay Maguindanao Massacre suspect na si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan, kung saan ay binawasan ng boto sina senatorial candidates Ping lacson, Koko Pimentel at Alan Peter Cayetano.

“Paano nila sasabihin na mandaraya ako e ni hindi naman ako sinabihan o tinawagan ng dating Pangulong Gloria Arroyo. And in fact, kung totoo ang sinasabi nila, ‘di sana dalawang beses natalo ang son-in-law ko sa Biñan, Laguna nang tumakbo siyang mayor at pati ang kapatid ko,”  ani Abalos.

Si Abalos ay lumutang kasama ni dating Comelec Commissioner Nicodemo Ferrer para pabulaanan ang mga sinasabi ni Comelec Supervisor for Mindanao Lintang Bedol.

Ayon kay Ferrer, si Bedol ay protektado ng makapangyarihang angkan sa Mindanao kung kaya’t hindi ito natagpuan noong kasagsagan ng imbestigasyon ukol sa 1997 senatorial election fraud.

Inaasahang magtutungo sa Maynila si Bedol upang ipresenta ang kanyang mga ebidensiya at ibunyag ang kanyang mga nalalaman sa umano’y dayaang naganap sa eleksyon noong 2007.

Ito’y sa kabila ng posibilidad na madakip siya dahil sa kasong “infidelity in the custody of documents” na isinampa laban sa kaniya ng Comelec matapos na umano’y mawala nito ang mga election paraphernalia para sa lalawigan ng Maguindanao.

“Bahala na kung ano ang mangyayari, sa ngalan ng katotohanan,” ani Bedol.

Inamin rin ni Bedol na noon pang kasagsagan ng imbestigasyon sa dayaan niya nais lumantad, ngunit wala umanong nakikinig sa kaniya.

Aniya pa, si Ampatuan ang nagbigay sa kanya ng oportunidad na lumabas, kaya’t sinamantala na niya ito.

Matatandaang una nang sinabi ni Ampatuan na nagkaroon ng dayaan sa eleksiyon at si Sen. Juan Miguel Zubiri umano ang nakinabang dito, na mariin namang pinabulaanan ng senador.

Matapos ang may apat na taong pagtatago, lumutang si Bedol at ibinunyag na si dating Pangulong Arroyo ang may pakana sa nasabing dayaan.

Aniya pa, peke umano ang ‘12-0 result’ ng halalan sa Mindanao, pabor sa mga kandidato ng dating administrasyon.

Ibinulgar din ni Bedol na ginamit ni Arroyo, na ngayon ay kinatawan ng Pampanga sa Kamara de Representantes, si Abalos sa pandaraya sa halalan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply