Alcano sumegunda sa World 9-Ball Championship

GINAWA lahat ng makakaya ni dating WPA world 9-ball at 8-ball champion Ronato “Ronnie” Alcano pero hindi naging sapat matapos yumuko kontra kay Japanese Yukio Akakariyama, 11-13, sa kampeonato ng katatapos na 2011 World Pool-Billiard Association (WPA) World 9-Ball Championship Biyernes ng gabi, Hulyo 1, sa Al Sadd Sports Club sa Doha, Qatar.

Sa pananaig kontra sa Calamba hotshot na si Alcano, nakasama ni Akakariyama ang listahan ng mga Japanese world 9-ball champions na kinabibilangan nina Takeshi Okumura (1994, Chicago, USA) at Kunihiko Takahashi (1998, Taipei, Taiwan).

Nauwi din ng Japanese cue artist ang $36,000 top purse mula sa $250,000 total pot prize ng week-long WPA sanctioned tournament.

Nitong Mayo, nabigo si Akakariyama na makuha niya ang World Ten Ball crown matapos matalo kay eventual champion Huidjie See ng Netherlands, 9-6, sa semifinals ng event na ginanap sa Maynila.

Ranked No. 2 sa buong mundo, nakamit ni Alcano ang upuan sa finals matapos makaungos kontra kay countryman Dennis “Robocop” Orcollo, 11-9, sa semifinal.  Nakaungos naman si Akakariyama kontra kay Mark Gray ng England, 11-10.

Si Alcano  na nakamit ang 2007 WPA World 8-ball crown sa Fujairah, United Arab Emirates, ay nag-uwi ng runner-up prize na $18,000 habang nakatanggap naman ang semifinalists na sina Orcollo at Gray ng $10,000 bawat isa.

Si Alcano, na tinalo si German ace Ralf “Kaiser” Souquet para sa 2006 WPA World 9-ball crown sa Manila, ay nabigong maduplika ang performance nina Johnny “The Scorpion” Archer ng USA (1992, Taipei, Taiwan), (1997, Chicao, USA) at Chao Fong-pang ng Chinese-Taipei (Konigswinter, Germany, 1993), (Alicante, Spain, 2000) na mga nagwagi ng dalawang beses sa WPA World 9-ball competition.

Si Earl The Pearl” Strickland ng USA (1990 Bergheim, Germany), (1991 Las Vegas, USA) at (2002 Cardiff, Wales, UK) ay may tangan ng distinction na may pinakamaraming WPA World 9-ball crown sa kanyang naiuwing tatlong titulo.

Ang iba pang Filipino WPA World 9-ball champions ay sina Efren “Bata” Reyes (1999, Cardiff, Wales, UK), Alex “The Lion” Pagulayan (2004, Taipei, Taiwan) at Francisco “Django” Bustamante (2010, Doha, Qatar). Liberty Icao

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply