Ang mga nababaliw na TV commercials

ALAM namin na napakahalaga ng commercials sa TV at radio (gaya rin ng ads sa mga dyaryo), pero marami sa kanila ang nakaririndi at nagbibigay ng napakaraming maling impresyon kung anu-ano ang dapat pahalagahan natin sa buhay.

Kung ibabatay natin sa pinakamadalas ipalabas na commercial, parang obssess na obsses ang mga Pinoy sa magandang buhok. Isang dosenang artista yata ang shampoo endorsers. Naging pamilyar na mukha si KC Concepcion dahil sa shampoo commercials n’ya na pinapalitan yata every six months.

Dahil sa dami at dalas ng pagpapalabas ng shampoo commercials sa TV, parang shampoo ang inuulam natin sa araw araw, parang mas mahalaga sa atin na gumanda ang ating buhok kesa magkaroon ng malusog na katawan at matalas na pag-iisip,

Nitong mga nakaraang taon, nagpapaka-colonial ang marami sa shampoo commercials natin. Kung sinu-sinong banyagang hair experts kuno ang nagtetestimonya sa husay ng brand na ini-endorse nila. Bago nauso yang paggamit ng mga misteryosong banyagang hair expert na konektado kuno sa never-heard hair care institutions, Pinoy hair stylists ang endorser ng mga shampoo, halimbawa’y sina Ricky Reyes, Fanny Serrano, at Jessie Mendez. Pangit man ang mga boses at punto ng mga nabanggit na beauticians, okey na rin sila sa amin– dahil mga kababayan natin sila.

Dumagdag pa sa pagpapatindi ng colonial mentality nating mga Pinoy ang mga produktong pampaputi ng kayumangging kutis natin. Dahil ba laos na si Nora Aunor kaya ang mapuputi na uli ang gusto natin, at ang mapuputi lang ang itinuturing natin na maganda at kaakit-akit? Napaka-colonial!

Maraming objectionable commercials na ipinalalabas, at isa ru’n ay yung deretsahang sinisiraan ang isang anti-cough formula na kuha sa isang medicinal plant. Mas mura ang plant-based na gamot na iyon. Parang walang pagmamalasakit sa mahihirap na kababayan natin ang host-comedian-producer na endorser nung naninirang mamahaling brand. Ang kapal ng mukha ng endorser na yon!

Pero mas makapal ang mukha ng manufacturer ng anti-cough formula na yon dahil tinanggap nito mula sa advertising agency ang mapanirang anunsyo na yon. Hindi siguro Filipino ang kumpanya na yon.

Isa sa inis na inis kaming commercials noon ay yung para sa isang food chain. Ini-imply kasi ng commercial na yon na madarama lang ng isang bata ang tunay na pagmamahal ng magulang n’ya kung lagi siyang pinapakain ng mga ito sa food chain na yon. Paano na ang mga magulang na walang sapat na pera para laging pakainin du’n ang mga anak nila?

Alam n’yo bang kaya maraming bata ang lumaki na hindi naging mahilig sa gulay ay dahil sa food chain na yon? French fries lang ang gulay na isini-serve sa food chain na yon hanggang ngayon. French fries na niluluto sa mantika na maraming beses nang kumulo kaya’t cancer-causing na. Ang mga mamantikang pagkain sa food chain na yon din ang dahilan kaya maraming kabataan ang madaling magkasakit sa gall bladder.

Pero may bagong commercial na nagugustuhan namin. Ito ay yung may guwapong binatang kinakausap ang sarili habang iniisip kung paano titimplahin ang kape na ihinahanda n’ya para sa isang tao (na di pa ipinapakita kung sino). Aakalain mong girlfriend n’ya ang ipinagtitimpla n’ya ng kape, lalo pa’t bigla n’yang sasabihing “Ang corny naman kasing mag-I love you eh.” Sa ilang saglit lang ay mabatid natin na ang nanay pala n’ya ang ipinagtimpla n’ya ng kape. Ilang anak pa kaya ngayon ang nagtitimpla ng kape para sa butihing ina nila, o para sa tatay nila, for that matter?

Kung maraming kabataan ngayon ang napakaagang makipag-sex, mas impluwensya yon ng mga commercial at foreign music video kesa ng local movies at TV shows. Mga 90 porsyento siguro ang mga commercial ang matindi ang sexual content. Mas nakaka-arouse ang mga ito kesa sa mga teleserye na may mga masalimuot na kwento.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply