ARMM nagpapasaklolo sa international humanitarian agencies

NAGPAPASAKLOLO na si Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Executive Secretary Naguib G. Sinarimbo sa mga miyembro at katuwang mula sa donor at humanitarian agencies na kumikilos sa rehiyon na magtulungang tugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng pabalik-balik na pagbaha sa rehiyon lalo na sa mga bayan sa lalawigan ng Maguindanao.

Sinabi ni Sinarimbo na kailangang tugunan ang mga naging resulta ng isinagawang Disaster Analysis Needs Assessment (DANA) na ginawa noong Hunyo 15-20 ng mga ahensya mula sa ARMM at mga donor at humanitarian partners.

Umapela si Sinarimbo sa grupo na tignan ang mga pangangailangan at palakasin ang kalidad ng pagtugon o intervention na ibibigay sa mga biktima.

Matatandaan nagsimulang gawin ng ARMM at mga partners nito ang convergence o relief distribution pagkatapos gawin ang DANA sa mga apektadong mga bayan.

Ayon pa kay Sinarimbo may direktiba si acting ARMM Governor Ansaruddin Alonto- Adiong sa kanyang gabinete na tingnan ang mga naging pinsala sa imprastraktura, agrikultura, mga daan, irigasyon at kung anong klaseng tulong ang dapat gawin at kung saan ito mas kinakailangan.

Dagdag pa ni Sinarimbo dapat alam ng gobyerno kung ano, saan ang dapat at magkano ang nilalaan o alokasyon ng tulong, na dapat sana ayon sa kalihim ay doon sa mas urgent o mas nangangailangan ng tulong.

Ayon sa report ng DANA, umabot sa 537,695 na indibiduwal ang naapektuhan ng pagbaha simula noong Mayo 31 hanggang Hunyo 19. Sa Maguindanao, umabot ito sa 461,080 at sa Lanao del Sur naman ay 75,715.

Ayon sa kalihim, nagbigay sila ng kopya ng DANA sa Office of the President at sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).

Samantala, ipinaabot ni Sinarimbo sa mga katuwang nito ang pasasalamat ni Adiong sa agad nilang pagresponde at pagtulong sa mga mamamayan ng rehiyon.

Si Adiong ay siya ring chairman ng RDRRMC sa ARMM. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply