Arroyos madidikdik sa isyu ng pagbebenta ng chopper

TINIYAK ni Sen. Panfilo Lacson na madidikdik nang todo ang pamilya ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa pagbebenta ng lumang helicopter sa Philippine National Police (PNP) noong 2009.

Sinabi ni Lacson na may hawak siyang ebidensiya na gamit na ni Arroyo ang chopper .

Aniya, may nasa kaniya ang flight manifest mula sa Presidential Security Group (PSG) na nagsasabing lumapag ang helicopter na ibinenta sa PNP sa halagang P105 milyon noong Pangulo pa si Arroyo.

“Patutunayan natin na talagang segunda-mano ang Robinson R44 Haven helicopter na binili ng PNP noong 2009,” ayon kay Lacson.

Sinabi ni Lacson na base sa dokumento, lumapag ang dalawa sa nasabing helicopter sa eksklusibong helipad ng Pangulo ng Pilipinas sa loob ng Malacanang ground noong 2004 at ito ay nakarekord sa flight manifest ng sasakyan.

“Hawak natin ang ebidensiya na magpapatunay na luma ang helicopter at hindi ko maisip kung paano ito maipapaliwanag at malulusutan ng dating administrasyon,” ayon pa kay Lacson.

“Dalawa sa nasabing helicopter ang lumapag sa eksklusibong helipad sa Malacanang para lamang sa Pangulo noong 2004,” dagdag ng senador.

Sinabi pa ni Lacson na hawak niya ang logbook ng Area 3 Helipad sa loob ng Malacanang.

“Ang Area Three helipad ang eksklusibong binababaan ng presidential chopper o anumang chopper na lulan ang Presidente lamang.”

Ayon kay Lacson, tumutugma ang nasabing logbook sa dalawang helicopter entries na kailangang maipaliwanag ng pamilya Arroyo sa itatakdang imbestigasyon ng Senado.

Inakusahan ni Lacson ang pamilya Arroyo na siyang nagbenta ng lumang helicopter sa PNP noong 2009 base sa kontrata na nilagdaan ng mga dating opisyal ng PNP  sa halagang P105 milyon.

Ayaw magsalita ng kampo ni Arroyo hinggil sa naturang isyu.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply