Arroyos makokorner na sa Martes – Guingona

PANIBAGONG kaso ng plunder o pandarambong ang nakatakdang isampa laban kay dating Pangulo, at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at asawa nitong si dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo kapag natumbok na sila ang may-ari ng helicopter na binili ng Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Sen. Teofisto “TG” Guingona III na malakas ang ebidensiya at testimonya ng ilang opisyal ng PNP na luma ang nabiling helicopter ng pulisya sa halagang P15 milyon noong 2009.

“Dahil lampas ito sa P50 milyon eh pandarambong ito, plunder,” pagtitiyak ni Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Hindi pa napapatunayan sa imbestigasyon ng komite nitong Huwebes na ang mag-asawang Arroyo  ang may-ari ng dalawang lumang helicopter na binili ng PNP bilang brand new, subalit umaasa si Guingona na matutumbok na sa Martes kung sino ang tunay na may-ari ng dalawa sa tatlong helicopter na ito.

“Yung sa Tuesday very interesting iyan sapagkat dun natin malalaman kung paano nangyari at kung sino ba talaga may-ari,” pagtitiyak ng senador.

Idinagdag nito na marami na silang hawak na ebidensiya para ideklarang plunder ang kasong kakaharapin ng mga taong sangkot sa chopper scam ng PNP.

Sa Agosto 2 ay haharap sa komite si Hilario de Vera, ang presidente ng Manila Aerospace Trading Corp. (MAPTRA) na siyang nakakorner umano ng kontrata sa pagbenta ng tatlong helicopter sa PNP, at ang Lion Air na siyang bumili ng helicopter sa ibang bansa.

“Sila (Lion Air) at saka ang MAPTRA ang makakapagsabi ano ba talaga ang nangyari,” ani Guingona.

Anito pa na bagama’t alam na kung sino ang mga tunay na may-ari ay hahayaan na lamang ang dalawang kumpanya na magsabi sa komite kung sino ang may-ari ng dalawa sa tatlong helicopter.

Nagbanta rin si Guingona sa mga retirado at aktibong opisyal ng PNP na kapag hindi pa rin sila umamin sa Martes ay kasama sila sa makakasuhan ng plunder.

“At kung hindi sila magsasalita na mayroong pumilit sila eh talagang tiyak na makukulong ang mga ito,”babala nito.

Ibinunyag pa ni Guingona na bago ang hearing nung Huwebes ay may mga heneral ng PNP na ang lumapit sa kanila at nangakong aamin na napilitan lamang silang bilhin ang naturang mga helicopter dahil sa utos ng nakatataas.

“Mayroong PNP generals na nandun kahapon (Huwebes) eh ‘yung iba nagpasabi talaga na magsasalita sila sapagkat hindi nila matanggap sa konsyensiya nila, pero ‘yun nga mukhang yung malaking tao eh kumausap na naman sila at may nangyari,” paglalahad ni Guingona.

Ang napiga lang ng komite nung Huwebes ay si Supt. Claudio Gaspar Jr., na umamin na noon pang 2004 niya inililipad ang isa sa mga helicopter sakay ang asawa at anak ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

“Nagpapatunay lang ito na madalas nilang gamitin na parang kotse nila ‘yung mga helicopter,” ani Guingona.

Kabilang sa mga nagkutsabahan umano para pagtakpan ang tunay na nagmamay-ari ng mga helicopter ay sina: dating PNP chief Director General Jesus Versoza; Supt. Leocadio Santiago Jr., dating direktor ng Special Action Force(SAF) at head ng Inspection Committee; Director Luizo C. Ticman, head ng negotiations committee; Supt. Herold Ubalde, miyembro ng negotiations committee; at lima pang miyembro ng inspection and acceptance committee.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply