Arsobispo: ‘Ulat sa Bayan’ ni PNoy walang laman

IGINIIT ng isang retiradong arsobispo ng Simbahang Katoliko na magandang pakinggan ngunit wala namang laman ang “Ulat sa Bayan” ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa ika-isang taong panunungkulan nito noong Hunyo 30.

Ayon kay dating Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, hindi naman maganda ang sinabi ng Pangulo sa kanyang ulat sa bayan dahil malayo aniya ang gawa nito sa kaniyang salita.

“Maganda pong pakinggan. Ang problema ‘di naman maganda ‘yung sinabi. Malayo po ‘yung salita sa gawa at madali pong gumawa ng magandang talumpati. Pero ang totoo niyan pagkatapos, ano ang kahihinatnan ng talumpati?” tanong ni Cruz habang ikipapanayam ng church-run Radio Veritas.

Agad namang nilinaw ni Cruz na hindi niya pinupulaan si Aquino, ngunit nais niya rin sanang makita ang gawa nito matapos ang salita.

“Pagkatapos ng salita, ‘yung gawa naman. ‘Yun lang po naman.  Di ko naman po pinupulaan ng dire-diretso; ang sabi ko lang po madali ang salita, mahirap ang gawa,” paliwanag ng arsobispo.

Malayo rin naman aniya sa realidad ang pahayag ni Aquino na ang kaniyang “greatest achievement” ay ang pagbabago sa pag-uugali ng tao.

Aniya, imposibleng mapalitan mo ang pag-uugali ng tao sa loob ng isang taon lamang.

“Ewan po kung san nanggaling yun, medyo malalim po ‘yun at saka hindi ko po malaman kung saan galing yung conclusion na ‘yun. Masyado pong  malalim kaya ‘di ko maarok,” ani Cruz.

Dagdag pa nito: “I think that his pronouncement is quite empty of reality.  Ang buong bayan papalitan mo ang pananaw sa loob ng isang taon?  Come on.”

“Maski ang bata, bago mo maituwid ang masamang ugali ay ang tagal-tagal.  Isang bata lang ‘yun,” anito. “Pero buong bayan mahirap po yatang tanggapin yun.”

Sinabi pa ng arsobispo na hindi niya alam kung ano ang iuulat naman ng Pangulo sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 25 dahil hanggang sa ngayon ay wala pa aniya siyang nakikitang accomplishment nito.

“Ang gusto ko pong sabihin, hanggang sa ngayon po naghahanap pa ko nun (achievement ni Pangulong Aquino). Baka naman nandyan di ko lang nakikita o baka sikreto ‘di sinasabi,” anang arsobispo.

Una nang sinabi ni Cruz na mistulang ang epektibong pagpapatupad lang ng ban sa wangwang ang nagawa ni Aquino sa isang taong pagse-serbisyo nito bilang Pangulo. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply