Badal, Dalandag mas pinili kaysa kay Zaldy Ampatuan

KUNG tinanggihan ng Department of Justice (DOJ) ang alok ni Zaldy Ampatuan na ikasa siyang state witness sa kaso, pinanindigan naman ng prosekusyon ang pagiging testigo nina Kenny Dalandag at Zukarno Badal kaugnay ng  Maguindanao Massacre case.

Sa inihain na dokumento ng prosekusyon sa sala ni Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221, kaugnay ng manifestation and urgent motion ng depensa na isinumite sa Korte Suprema, inihayag ng prosekusyon ang kanilang mariing pagtutol sa pagpapaantala sa pagprisinta kay Dalandag bilang saksi bunsod ng kawalan nito ng merito.

Matatandaang matapos magbigay ang special court ng go-signal para maipagpatuloy ni Dalandag ang pagtestigo nito sa Supreme Court (SC) na humingi ng saklolo si Datu Andal Ampatuan Jr., bilang huling hirit para maharang ang pagsalang sa naturang saksi.

Giit ng mga Ampatuan, dapat ay kasama rin sa akusado si Dalandag ngunit nakapagtatakang hindi siya rito napabilang.

Paliwanag ng mga taga-usig, kahit na makakuha ng positibong tugon ang kampo ng akusado mula sa SC, maaari pa ring makapagbigay ng testimonya sa korte si Dalandag.

“Whatever decision the SC will come up in this issue will not in any way be mooted by this Honorable Court’s allowance of his testimony in the meantime, considering that, even if SC will direct the public respondents to include Dalandag as accused herein, he can still be presented and be made to testify as a hostile witness for the prosecution,” ayon pa sa komento at oposisyon ng prosekusyon na nilagdaan nina Assistant State Prosecutor Susan Villanueva at prosecution Attorneys Cesar Angelo A. Chavez, Aristotle Reyes at IRA Jordana Gomez.

Hindi rin umano sapat na nakapaghain lang ng petition for certiorari at mosyon ang depensa sa SC para mapigil ang pagtestigo ni Dalandag sapagkat kailangan pang may maisyung writ of  preliminary injunction o temporary restraining order (TRO) ang pinakamataas na korte kaugnay nito.

Samantala, iginiit naman ng prosekusyon sa hiwalay na mosyon na dapat ding ibasura ng korte ang kahilingan ng depensa na maharang ang pagiging testigo at pag-alis sa listahan ng akusado ni Zukarno Badal.

Ayon sa prosekusyon, ang pagpapatanggal kay Badal sa listahan ng akusado upang maging saksi ay alinsunod sa Republic Act No. 6981 at Section 14 ng Rule 110 ng Rules of Court sapagkat hindi pa naman umano siya nababasahan ng sakdal.

Maaalalang tinututulan ng mga Ampatuan na maging saksi ang dating bise alkalde ng Sultan-sa-Borong sapagkat lumalabas daw sa testimonya ni Badal na isa siya sa kasabwat sa krimen at nagkasala rin ito tulad ng iba pang akusado.

Subalit, binigyang-diin ng prosekusyon na bagamat kasama si Badal sa itinuturong pumatay sa ilang biktima, hindi nangangahulugan na siya ang pinakanagkasala sa nasabing krimen.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply