Bagets, 2 holdaper pinagbabaril sa QC, todas

PATAY ang dalawang holdaper, kabilang ang isang menor-de-edad  makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang suspek Biyernes ng umaga sa Quezon City.

Dead on the spot ang biktima na si Rodel Acero, 19, habang patay na nang idating sa East Avenue Medical Center si Mark Gary Cabrito, 17, pawang ng Group 6 Area B Payatas, nasabing lungsod.

Batay sa inisyal na ulat ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente ganap na alas-9:15 ng umaga sa may kahabaan ng Litex Road, Barangay Commonwealth.

Ayon sa ilang mga nakasaksi, nasa loob umano ng Mario’s Junkshop sa nasabing lugar ang mga biktima nang bigla na lamang dumating ang suspek na nakasuot ng bonet at pinaulanan ng bala ang dalawa.

Agad na bumulagta ang biktimang si Acero na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan sanhi ng agarang kamatayan nito, habang nagawa pang maisugod sa nabanggit na hospital si Cabrito na idineklara namang dead on arrival sa pagamutan.

Samantala, mabilis naman na tumakas papalayo sa pinangyarihan ng insidente ang suspek dala ang ginamit na armas sa pamamaslang.

Ayon kay Superintendent Ronnie Montejo, hepe ng PS-6, kilalang mga holdaper sa nasabing lugar ang mga pinatay na biktima.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang pag-iimbestiga ng awtoridad sa nasabing insidente.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply