Bagong estilo ng carjacking nabunyag

MALOLOS, Bulacan – Nabunyag ang bagong modus operandi ng mga magnanakaw ng motorsiklo at mga kotse na tinaguriang “kambal” sa lalawigang ito matapos masakote sa isang checkpoint ang isang motorsiklo na kumpleto naman sa rehistro at plaka.

Ayon kay Bulacan Provincial Director Senior Supt. Fernando Mendez Jr., nasakote kamakalawa ng kanyang mga tauhan sa pangunguna ni Supt. Ranier Valones, hepe ng Sta. Maria police, ang isang kulay itim na Kia Soul na may numero ng plaka na 5925 TE na minamaneho ni Godofredo Cruz del Rosario Jr. sa kahabaan ng Gov. F. Halili Ave. sa Barangay Bagbaguin, Sta. Maria.

Nagpresenta umano ng mga papeles si Del Rosario sa mga sumitang pulis, pero napag-alamang hindi tumutugma ang chassis number sa rehistro nito kung kaya napilitang hilahin ng mga awtoridad ang naturang motor.

Ngunit nang ipag-utos ni Mendez sa kanyang mga tauhan na tiyakin sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga dokumento ng naturang motorsiklo ay doon na lumabas na ikinambal o kinopya lamang ang mga dokumento at plaka nito sa isang ka-modelong motor na pag aari ng isang “Mr. Sioson.”

Inamin naman ni Del Rosario sa pulisya na binili lamang niya sa isang tiyuhing pulis na nakatalaga sa Balagtas ang naturang motorsiklo sa halagang P15,000.

Bunga nito, ipinag-utos ni Mendez ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban kay Del Rosario.

Matatandaang ilang buwan na ang nakararaan ng maiskandalo ang Bulacan police matapos masangkot ang limang pulis na nakatalaga sa iba’t ibang bayan sa pagbebenta ng mga nakaw na motor.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply