Bagong plunder case isinampa vs ex-Pagcor chief

NADAGDAGAN pa ang kasong kinakaharap sa Department of Justice (DOJ) ni dating Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) chief Efraim Genuino at 40 iba pa dahil sa paggastos ng P186-M kaugnay sa kuwestiyunableng transaksyon sa Bida Foundation Incorporated at iba pang kumpanya mula 2003 hanggang 2010.

Bukod kay Genuino, dawit din ang mga dating miyembro ng board na sina Rafael Francisco, Manuel Roxas, Philip Lo, Danilo Gozo, Imelda Dimaporo, Ester Laconico Feria, Susana Dumlao Vargas at Gamaliel Cordoba na kasalukuyang commissioner ng National Telecommunications Commission.

Hindi rin lusot sa usapin ang mga Bida Foundation incorporators/members na sina Jesus Velmonte, Cornelio Valerio, Nicanor Roxas, Michael Nisperos, Arnold Garchitorena, Angelo Tesoro, Jose Salindong, Johnny Tan, Philip Beltran, Luis Guerrero, Carol Matsuda, Olive Soriano at Josephine Sumangil-Evangelista, anak ni Genuino na si Sheryl Genuino-See, na unang nominee ng Bida party-list na isinama sa kasong plunder.

Ayon kay Pagcor Chairman at CEO Cristino Naguiat, mula noong hulyo 2010, marami silang nadiskubreng iregularidad at maanomalyang transaksyon na inaprubahan ng dating management ng ahensya na pumabor sa Batang Iwas Droga Foundation Incorporated, Bida Production, Wildformat Incorporated at Pencil First Incorporated.

Sa nakalap na dokumento ng Pagcor, nagsabwatan ang mga respondent para mailipat ang pondo ng ahensya sa Bida upang mapalakas ang populardidad ng mga taong nasa likod ng foundation.

Natalong party-list candidate noong 2010 elections ang Batang Iwas Droga Foundation.

Sinabi pa ni Naguiat na itinuturing na may paglabag sa batas ang mga transaksyon dahil ito ay hindi dumaan sa public bidding na hinihingi ng Republic Act 9184 at nilabag din ang COA rules.

Kinapapalooban ang mga nasabing transaksyon ng pagbili ng good at services para sa Bida Foundation projects, financial subsidies at grant para sa Bida, at advertisement sa iba’t ibang radio at television shows at networks na binayaran lahat ng Pagcor.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply