Bangayan nina Mikey Arroyo, JV Ejercito sumabog

TULUYANG sumabog ang palitan ng maaanghang na salita sa pagitan nina Ang Galing Pinoy Rep. Mikey Arroyo at San Juan Rep. JV Ejercito.

Ito ay nang tuwirang sagutin ni Arroyo ang mga pasaring ni Ejercito na aniya’y nawalan na ng inter-parliamentary courtesy ang mambabatas nang tiryahin ang kanyang ina na si dating Pangulo at Pampanga Rep. Glorica Macapagal-Arroyo.

Hindi man direktang niresbakan ni Mikey si JV sa pagbibigay ng parole at pardon ni GMA kay dating Pangulong Joseph Estrada, sinabi niyang hindi ito dapat na magsalita ukol sa diumano’y mga katiwalian sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Umapela rin si Mikey kay JV na mag-isip muna bago magpukol ng alinmang corruption issue matapos sabihin ng anak ni dating Pangulong Estrada na dapat patawan na lamang ng life-sentence si GMA bunsod ng pagkakasangkot nito sa iba’t ibang uri ng anomalya.

Paliwanag ni Arroyo na dapat magkaroon ng kamalayan si JV sa alituntunin ng batas at binigyang diin pa na ang mga akusado ay may pantay na karapatan sa ilalim ng  konstitusyon.

Banat pa ng batang Arroyo na nang pinupukol ng akusasyon si Estrada ay walang isa sa mga Arroyo ang nagsalita dahil hindi naman ganap na napatunayan ang mga alegasyon.

Tugon naman ni JV nirerespeto niya ang mga Arroyo sa Kamara ngunit kung interest ng publiko ang nasasangkot ay hindi aniya marapat ang kortusiya dito.

Giit pa nito na kung maituturing na kawalang respeto o unparliamentary behaviour ang pag-ungkat sa mga katiwalian sa loob ng siyam na taong panunungkulan ni GMA ay tatanggapin niya ang ganitong alegasyon.

Paglilinaw pa ni JV na hindi siya naghihiganti sa pamilya Arroyo dahil kailanman ay hindi nila kinalimutan na si GMA ang nagpardon sa dating Pangulo subalit hindi aniya ito maituturing na utang na loob dahil sa simula pa lamang ay batid nilang inosente ang kaniyang ama sa mga akusasyon laban dito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply