Bank robbers ng BPI kilala na

NAKILALA na sa pamamagitan ng kuha sa CCTV camera ang mga nanloob sa Bank of the Philippine Island (BPI) sa Quezon City kamakailan, ayon sa pulisya kahapon.

Sinabi ni Police Superintendent Ronnie Montejo, hepe ng Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD) malaking tulong umano sa isinasagawang imbestigasyon ang nakuhang video sa CCTV camera ng pinasok na sangay ng BPI sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue, kanto ng Don Antonio Heights, Barangay Holy Spirit sa lungsod.

Batay sa video, 11 kalalakihan na armado ng matataas na kalibre ng baril ang pumasok sa loob ng bangko habang ang iba naman ay nagsilbing look out sa labas.

Mabilis umano ang mga pangyayari at planado ng mga suspek ang isinagawang pagnanakaw.

Sinasabi na unang dinisarmahan ng mga suspek ang mga guwardiya ng bangko at kinuha mula sa kanila ang service firearm na kalibre 38 at .9mm na baril saka nagdeklara ng holdap at sinamsam ang mga pera na nasa teller.

Tanging ang pera lamang umano na nasa mga teller ang natangay ng mga suspect at nabigong mabuksan ang vault dahil umano sa narinig napalitan ng putok sa pagitan ng mga tauhan ng pulisya at iba pang mga suspect sa labas ng bangko kung kaya’t nagpasya na ang mga ito na tumakas.

Tinatayang aabot sa P3Million ang tinangay ng mga suspect mula sa bangko ayon kay Police Superintendent Nestor Abalos, hepe ng Intelligence Division ng QCPD.

Nabatid mula sa ulat ng QCPD Police Station 6, dalawang sibilyan ang bahagyang nasugatan sa ilang minutong engkwentro sa pagitan ng mga pulis at mga suspek na mabilis naman na naisugod sa pagamutan.

Magugunita na alas-4:25 ng hapon nitong nakaraang linggo nang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang nasabing bangko na nauwi sa ilang minutong engkwentro sa pagitan ng pulis at mga holdaper.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon ng QCPD sa nasabing insidente.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply