Bawas hatol hiniling ni Bedol sa Comelec

UMAPELA sa Commission on Elections (Comelec) si dating Maguindanao Election Supervisor Atty. Lintang Bedol na mabawasan ang hatol na anim na buwang pagkabilanggo sa kanya matapos mapatunayang guilty sa kasong indirect contempt.

Ang apela ay ginawa ni Bedol sa poll body, sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Roberto Ultado Jr..

Ayon kay Ultado, handa ang dating election supervisor na makipagtulungan sa Comelec para sa anumang imbestigasyon, kaya wala silang nakikitang dahilan para manatili ang pag-iral ng naturang hatol.

Una nang pinatawan ng Comelec ng anim na buwang pagkakabilanggo si Bedol at multang P1,000 dahil sa ilang ulit na hindi nito pagsipot sa mga isinagawang pagdinig ng poll body kaugnay sa dayaan sa eleksiyon sa Maguindanao noong 2007 elections.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na maaari nilang paikliin ang hatol kay Bedol ngunit  kinakailangan muna nitong makipag-cooperate sa imbestigasyon ng sinasabing dayaan sa 2007 election at sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman.

Matatandaang sinabi ni Brillantes na pawang luma ang mga isiniwalat ni Bedol at walang sapat na bigat para isulong ang pagdidiin sa sinasabing kaugnayan ng nakaraang administrasyon sa 2007 poll fraud.

Dagdag pa ni Brillantes na regular na bibisita ang mga abogado ng Comelec sa Custodial Center ng Philippine National Police sa Camp Crame kung saan nakakakulong si Bedol upang makakuha ng mga bagong detalye sa dating Provincial Election Supervisor.

Sinabi ng Comelec Chairman na bukod sa pagsusuri sa affidavit na isinumite ni Bedol ay titingnan din muna nilang mabuti ang memorya nito upang matiyak ang accuracy ng lahat ng kanyang testimonya.

Maliban kay Bedol, may tatlo pa umanong election officers ang hawak na ngayon ng pamahalaan na handang tumestigo kaugnay sa naturang dayaan sa halalan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply