Bedol binabantayan ng NBI

NASA kustodiya na ng Commission on Elections (Comelec) si dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol.

Dakong alas-nuwebe ng umaga nang dalhin ng mga ahente ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Bedol sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila.

Si Bedol ay inaakusahang nagmanipula ng 2007 senatorial elections sa naturang lalawigan pabor sa mga kandidato ng dating administrasyong Arroyo.

Nakasuot pa ng bullet-proof vest si Bedol nang iharap ito sa media alas-diyes ng umaga matapos itong makipag-usap ng isang oras sa mga opisyal ng Comelec sa pangunguna ni Chairman Sixto Brillantes.

Gayunman, tumanggi si Bedol na makipagpanayam sa media.

Ayon kay Brillantes, may nakahanda nang affidavit si Bedol hinggil sa nabanggit na dayaan umano, bagama’t hindi pa niya ito nababasa.

“Meron na (affidavit).  May lawyer nga siya e. So it means meron na talaga. We just have to review the affidavit at mayroon na ring additional affidavit of witnesses, so titingnan muna namin kung ano ang nakalagay,” ani Brillantes.

Pinag-uusapan pa ngayon ng mga opisyal ng Comelec kung saan nila idedetine si Bedol. Ilan sa mga pinagpipilian ay ang National Bureau of Investigation (NBI), Camp Crame, at Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

Nagpahayag naman si Brillantes ng pangamba kung idedetine si Bedol sa Camp Bagong Diwa, kung saan nakadetine ang mga miyembro ng pamilya Ampatuan, na sinasabing inutusan din umano ni GMA na dayain ang resulta ng eleksiyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Nauna rito, ibinunyag ni Bedol sa isang panayam sa telebisyon na sa pamamagitan ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. ay nandaya si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo upang matiyak ang panalo ng mga kaalyadong kandidato sa pagka-senador.

“We are entitled to his custody that is why the turnover was made to us. He is officially under our custody and his service of 6 months starts as of today,” ani Brillantes.

Matatandaang lumutang lamang si Bedol matapos ang apat na taon makaraang ibunyag ni dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan ang dayaan sa halalan sa kanilang lugar, na umano’y utos ni Arroyo.

Nakinabang umano si Sen. Juan Miguel Zubiri, na mariin namang pinabulaanan ang alegasyon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply