Bedol nasa kustodiya na ng Comelec

NASA kustodiya na ng Commission on Elections (Comelec) ang kontrobersiyal na dating Maguindanao election supervisor na si Atty. Lintang Bedol.

Nabatid na 9:00 ng umaga nang dalhin ng mga ahente ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Manila si Bedol, na inaakusahang nagmanipula sa 2007 senatorial elections sa naturang lalawigan, pabor sa mga kandidato ng dating administrasyong Arroyo.

Nakasuot pa ng bullet-proof vest si Bedol nang iharap ito sa media dakong 10:00 ng umaga, matapos ang may isang oras na pakikipag-usap sa mga Comelec officials, sa pangunguna ni Comelec Chairman Sixto Brillantes.

Tumanggi pa naman munang magpa-interview sa media si Bedol.

Gayunman, ayon kay Brillantes ay may abogado na ito at may nakahanda na ring affidavit hinggil sa umano’y dayaan sa halalan na naganap noong 2007 senatorial polls sa Maguindanao.

Hindi pa naman umano nababasa ng mga Comelec officials ang affidavit kaya’t hindi pa nila masabi kung ano ang nilalaman nito.

“Meron na (affidavit).  May lawyer nga siya e. So it means meron na talaga.  We just have to review the affidavit at mayroon na ring additional affidavit of witnesses so titingnan muna namin kung ano ang nakalagay,” ani Brillantes.

Sa isang en banc meeting matapos ang press conference, napagkasunduan ng Comelec na sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ikulong si Bedol, at kaagad na itong dinala doon bago pa mag-12:00 ng tanghali.

Nauna rito, ibinunyag ni Bedol, sa isang panayam sa telebisyon, na sa pamamagitan ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, Sr., ay kumilos umano si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang makapandaya sa halalan at matiyak ang panalo ng kaniyang mga kaalyadong senador.

Matapos ito ay nagpa-kostudiya na si Bedol sa DILG noon pang Biyernes, matapos na mag-isyu muli ang poll body ng alias warrant of arrest laban sa kaniya.

Si Bedol ay una nang hinatulan ng Comelec en banc na guilty sa kasong indirect contempt matapos na mabigong humarap sa mga imbestigasyong isinagawa ng poll body sa dayaan sa halalan sa kaniyang nasasakupan, sa kabila ng mga summon na ipinadala sa kaniya.

Nahaharap si Bedol sa kasong anim na buwang pagkabilanggo at multa na P1,000 dahil dito, ngunit naman niya ito napagsilbihan matapos na magtago sa batas, nang sampahan ito ng kasong infidelity in the custody of election documents.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply