DFA exec sa ‘blood money’ isasalang sa Blue Ribbon

NAKATAKDANG isalang sa Senate Blue Ribbon Committee si Foreign Affairs Undersecretary Esteban Conejos makaraang madiskubreng kumuha ito ng pera mula sa intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes  Office (PCSO) upang gamiting “blood money” o pambayad sa krimeng ginawa ng ilang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia.

Ang pagharap ni Conejos sa Blue Ribbon Committee ay iniutos matapos ilantad ni dating PCSO general manager Rosario Uriarte na nakakuha ito ng financial assistance mula sa ahensya noong kanyang termino.

Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, kailangang magpaliwanag si Conejos kung paano nagagamit ang intelligence fund ng PCSO upang ipangtulong sa mga nakakulong na OFWs sa Saudi Arabia.

Batay naman sa request ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ay magkakaroon din ng executive session sa Miyerkules upang pag-usapan ang kwestyunableng intelligence fund ng PCSO at kasama rito si Uriarte.

Naglabas naman si Sen. Franklin Drilon ng mga dokumentong nagpapakita na umaabot sa P325 milyon ang intelligence fund na hiniling ni Uriarte kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo simula 2008 hanggang 2010, bukod  pa  sa P60 milyon na nakalaang intelligence fund ng ahensya.

Naungkat  ng husto ang P150 milyon na halos naubos ni Uriarte sa loob lamang ng anim na buwan noong 2010 bago bumaba sa puwesto si Arroyo.

Ayon kay Uriarte, ginamit ito para lamang sa isang intelligence project na ang layunin ay patayin ang illegal numbers game at isulong ang small-town lottery.

Lumabas sa pagdinig na silang dalawa lamang ni Arroyo ang may alam ng detalye tungkol sa nabanggit na intelligence project at walang sinuman sa mga dating opisyal ng PCSO ang may alam kung paano ginamit ang nabanggit na pondo. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply