Blooper ng PCSO sa STL share ng kongresista kinastigo

KINASTIGO ng isang senador ang panibagong blooper ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa paglalahad ng maling impormasyon sa publiko tulad ng bilang ng kongresista na nakatanggap ng share sa Small Town Lottery (STL).

Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III na dapat maging maingat ang PCSO sa pagpalabas ng impormasyon dahil nakakasira ng imahe ang ikalawang pagkakamali ng ahensiya sa bilang ng mga kongresistang tumanggap ng STL share.

Lumabas sa ilang pahayag na ibinulgar umano ng PCSO na umabot sa 54 kongresista ang nakatanggap ng share sa STL ngunit bigilang binawi kinabukasan matapos magkamali sa bilang.

Ayon kay Sotto, minsan nang nagkamali ang PCSO nang ibunyag na tumanggap ng Pajero ang pitong bishop mula kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nakumpirma sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na “kuryente” o walang katotohanan.

“Bakit sunud-sunod ang blunder nila?”pagtatanong ng senador.

Giit ng mambabatas, dapat magkaroon ng mahigpit na paglalabas ng impormasyon ang PCSO upang hindi sila makasagasa ng mga inosenteng tao.

“Huwag munang bitaw nang bitaw, masyado silang hot na hot eh,” patutsada ni Sotto.

Dahil dito, itutulak ni Sotto na pahabain pa ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee  upang matalakay ang iba pang kapalpakan ng PCSO tulad ng napabalitang pagdeposito ng $1.9 milyong pondo sa isang pribadong bangko at hindi sa government depository bank.

“Kapag ganyang panay ang blooper, dapat lang na ipagpatuloy ang hearing,” giit ni Sotto.

Sa Martes ang susunod na pagdinig ng komiteng pinamumunuan ni Sen. Teofisto Guingona kung saan kabilang sa ipiprisinta ng PCSO officials sa pangunguna ni Chairman Margie Juico ang listahan ng mga kongresistang nakinabang sa STL operations, gayundin ang hinihinging dokumento ng komite mula kay dating PCSO director Manoling Morato. Ernie Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply