BURLESK KING (Libre Tingin, Bawal Salingin) Ikawalong labas

“ANG cute ng anak mo. Siya pala ang dahilan kung bakit kahit hindi ka nakakakita ay nagpipilit kang magtrabaho,” sabi ni Captain Monasterio.

“Tama ka, Kapitan. Mahal ko ang aking anak. Kahit ano ay gagawin ko para lang siya mabuhay,” sagot naman ni Joseph.

“Pero labag sa batas ang uri ng iyong trabaho. Sana’y hindi na muli pang magkurus ang ating landas. Naaawa ako sa iyo pero sa susunod na pagkakataon ay baka hindi na kita mapagbigyan,” sagot ni Captain Monasterio.

“Hindi ako makapangangako, kapitan. Gampanan mo na lang ang iyong tungkulin at gagawin ko naman ang aking tungkulin bilang isang ama,” sagot ni Joseph.

Hindi na umimik ang policewoman.

Dinukot ang kanyang wallet at naglabas ng tatlong libong piso.

Iniabot niya ito kay Joseph …

“Tulong ko sa inyong mag-ama. Pagpasensiyahan mo na ang aking nakayanan,” sabi ni Captain Monasterio.

“Thank you, Kapitan. Kahit hindi kita nakikita, alam kong napakaganda mo pati na ang iyong kalooban,” sabi ng bulag.

Hindi na nagsalita si Captain Monasterio at umalis na.

Nang wala na ang policewoman, saka nagkuwento si Aris.

“Pasensiya ka na dahil hindi kita naisama sa pagtakas, Joseph. Biglaan kasi. Kung pinuntahan kita, tiyak na pati ako ay mahuhuli. Alam ko namang kung mahuhuli ka, kaaawaan ka. Tingnan mo ang nangyari, sa halip na ikulong ka ay inihatid pa pauwi tapos ay binigyan ng pera,” masayang sabi ng bading.

Iba ang isinagot ni Joseph.

“Kung ipinasara ang gay-bar, paano na tayo? Ano ang magiging trabaho natin ngayon?” nag-aalala niyang tanong.

“Huwag kang mag-aalala dahil pansamantala lamang ang pagsasara nito. Malakas ang koneksiyon ni Mr. Ching. Madali niyang mailalabas ang nahuli nating mga kasamahan at hindi magtatagal ay muling magbubukas ang kanyang gaybar. Hindi ko lang alam kung sa dating lugar o sa iba na,” sagot naman ni Aris.

Nakahinga nang maluwag ang bulag.

Iniba niya ang usapan.

“Ang bait ni Captain Monasterio. Kung naiba siya, tiyak na tuluyan niya akong ikukulong,” aniya.

“Tama ka! Mabuti at siya ang namuno sa raid sa gay-bar,” sagot naman ni Aris.

“Ano ba ang hitsura niya?”

“Maganda… nakapaganda. At sa ayos niya, dalaga pa siya!”

“Sana, magkaroon ako ng pagkakataon na makita siya ng personal!”

“Mangyayari lang ang pangarap mo kung makakakita ka!”

Hindi na umimik si Joseph.

Sa mga sandaling iyon, nakauwi na si Captain Monasterio sa kanilang bahay sa White Plains.

Sa ayos ng kanilang bahay, kaagad na maiisip na mayaman ang kanilang pamilya.

Pagpasok niya sa loob ng kanilang bahay, nadatnan niyang nakaupo sa salas ang ama.

Si Don Pepito Monasterio.

Napailing-iling ito nang makita ang anak.

Hindi maging pulis ang pangarap ko para sa iyo, Glenna. Mayaman tayo at maraming negosyo.

Bakit hindi ang mga ito na lang ang asikasuhin mo?” tanong ng ama.

“Marami akong gustong tulungan, Dad. At sa pagiging isang alagad ng batas, naiisip ko na madali akong makatu-tulong sa aking kapwa,” sagot ni Captain Monasterio.

“Kalokohan! Kahit hindi ka magpulis, marami kang matutulungan kung gugustuhin mo!” kontra ni Don Pepito. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply