BURLESK KING (libre tingin, bawal salingin) Unang labas

NARIRINIG niya ang malakas na sigawan ng mga tao sa loob ng gaybar.

Palakpakan …

Tilian …

Mga papuring may bahid ng paghanga at pagnanasa …

Pero wala siyang nakikita kundi pawang dilim dahil isa siyang bulag na macho dancer.

Tuloy lang siya sa pag-giling …

Trabaho niya ang magbigay ng aliw kahit ang maging katumbas nito ay kawalan ng dangal.

Wala siyang pakialam …

Ang importante sa kanya ay kumita ng pera at mabuhay silang mag-ama ng anak na si Angel.

Hindi dating bulag si Joseph …

Maliwanag noon ang kanyang mundo …

Masaya …

May maganda siyang asawa at cute na anak …

Sila ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon sa kanyang pagtatrabaho.

Isa siyang arkitekto …

Kung paano siya gumuguhit ng magagandang disenyo ng mga bahay, ganoon din siya nagpaplano para sa kanyang pamilya.

Isang magandang buhay na sagana sa maraming bagay.

Pero biglang nagbago ang lahat nang masangkot siya sa isang car accident.

Sa isang ospital na siya nagising na madilim ang buong paligid …

Nagrereklamo siya noon kung bakit ang tagal ng umaga…

Iyon pala’y hindi na muli pang sisikat ang araw sa kanya. Grabeng naapektuhan ang kanyang mga mata sa naganap na aksidente.

Isa na siya ngayong bulag. Kung noo’y madalas niyang nakikitang tumatawa ang anak na si Angel, ngayo’y palagi niyang naririnig na umiiyak.

Kung noon ay laging may kasamang lambing ang pagsalubong ng asawang si Hazel sa kanyang pag-uwi mula sa trabaho, ngayo’y ang aburido nitong tinig ang madalas niyang naririnig.
Palaging galit.

Wala siyang magawa kundi isiping isa na siyang inutil…

Palamon ng asawa na napilitang magtrabaho para mabuhay sila.

Pero pansamantala lamang pala ang ginagawa ng asawa.

Isang umaga na pumasok ito sa trabaho, hindi na ito umuwi pagsapit ng hapon.

Gutom na si Angel at kumakalam na rin ang kanyang tiyan pero tumakas na si Hazel sa kanyang tungkulin bilang ina ng tahanan.

Masakit para sa isang bulag na tulad ni Joseph ang malamang hindi na babalik pa ang asawa dahil sumama na sa lalaking makapagbibigay sa kanya ng luho at ligaya.

Pero ang mas masakit, kung paano niya bubuhayin at bibigyan ng kinabukasan ang anak na si Angel dahil sa kanyang kalagayan.

Nabuhay silang mag-ama sa limos ng mga kapitbahay pero hindi ito nagtagal.

Nang magsawa sila sa pagtulong, wala na silang natamong suporta.

Napilitan ang mag-amang Joseph at Angel na gumala sa lansangan …

Nanlilimahid …

Nakabukas ang mga palad para manghingi ng limos sa kanilang kapwa. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply