C-3 underpass project ipinagtanggol ni Singson

SINAGOT ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson ang mga suhestyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) patungkol sa Quezon Ave-Araneta Ave. C-3 underpass project sa pamamagitan ng kalatas na naghahayag ng mga dahilan kung bakit tuloy na ang nabanggit na proyekto.

Nauna nang sinabi ng MMDA na lalong babahain ang underppass dahil flood prone umano ito at mas maganda umano ang isang flyover kaysa nabanggit na proyekto.

Ayon kay Singson, ang C3 Interchange project ay base sa strategic master plan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at National Center for Transportation Studies (NCTS) na tinawag na Metro Manila Urban Transport Integrity Study (MMUTIS) kung saan ang underpass project ay nanguna sa anim na planong pinagpilian na “feasible” at cost effective.

Ang proyekto na nagkakahalaga ng P546.4 milyon ay na-bid na sa halagang P430 milyon kung saan nakatipid ang gobyerno ng P116.40 milyon at naaayon sa MMUTIS Master Plan.

Kakaunti din ang right of way acquisition cost ng proyekto, iilan lamang na mga katabing gusali ang maaapektuhan ng proyekto, walang pagtaas sa noise pollution at mga usok galing sa mga pasilidad sa paggawa at may pinakamabilis na panahon magawa at mapakinabangan ng publiko para mapaluwag ang nagsisikip na trapiko.

Siniguro din ng DPWH Urban Roads Projects Office na hindi babahain ang nabanggit ba underpass , dahil ito ay nakalugar sa mas mataas na elebasyon, may nakapaloob na imbakan ng tubig sa ilalim ng underpass o water cistern na may sapat na kapasidad na humawak ng tubig baha, at tatlong mga submersible pumps na may 277 liter per second capacity at ang lahat ng nakapaligid na drainage sa lugar ay i-a-upgrade upang madaling umagos at magkaroon ng kapasidad na humawak ng mas malaking volume ng  tubig ulan. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply