CBCP: Mga Obispo handang harapin ang SUV issue

NAKAHANDANG harapin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang imbestigasyon sa Senado kaugnay sa akusasyon na tumanggap ang ilang obispo ng mamahaling sasakyan mula sa dating pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Kasabay nito, itinanggi naman ng Malakanyang na isang uri ng pamba-blackmail sa simbahang Katoliko ang pumutok na eskandalo sa PCSO.

Sa ipinarating na liham sa Senate Blue Ribbon Committee, inamin ni CBCP President Nereo Odchimar na tumanggap sila ng financial assistance mula sa PCSO ngunit ito umano ay hindi para sa kanilang sarili sa halip ay para sa kawang-gawa o sa mga mahihirap.

Iginiit din ng CBCP na hindi nila ipinambili ng Pajero para sa personal na gamit ang pondo mula sa PCSO.

Handa naman umano ang pamunuan ng simbahan sa Pilipinas na harapin ang isyu sa kanilang pagtanggap ng pondo mula sa pamahalaan na itinulong naman para sa mga nangangailangan.

Batay sa akusasyon ni PCSO chairperson Margarita Juico, kabilang sa mga obispo na umanoy tumanggap ng mamahaling sasakyan mula sa pondo ng PCSO ay  sina  Bishop Juan de Dios Pueblos ng Diocese of Butuan, Archbishop Romulo G. Valles ng Zamboanga Archdiocesan Social Action Apostolate, Archbishop Orlando B. Quevedo ng Archdiocese of Cotabato, Bishop Leopoldo C. Jaucian ng Bangued, Abra,  Bishop Martin Jumoad ng Roman Catholic Prelate ng Isabela, Basilan at Apostolic Vicariate Bontoc sa pamamagitan ni Bishop Rodolfo F. Beltran.

Kabilang din dito ang Caritas Nueva Segovia, na umano’y tumanggap ng P720,000 sa pamamagitan ng financial assistance.

Samantala ipinaliwanag ni Presidential spokesman Edwin Lacierda, na nalaman lang nila ang tungkol sa naturang eskandalo nang lumabas ang report ng Commission on Audit (COA).

Binigyang diin pa ni Lacierda na hindi ito pananakot sa mga obispo na mahigpit na kalaban ng Palasyo sa Reproductive Health Bill.

Sinabi pa nito na konsensya na ng mga obispo kung ibabalik nila ang mga sports utility vehicles na kanilang tinanggap mula sa PCSO.

Naniniwala rin si Lacierda na alam ng mga obispo ang tama at mali. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply