CBCP president mahina na ang katawan

MAHINANG pangangatawan umano ang dahilan kung bakit nagpasya si Tandag Bishop Nereo Odchimar na iwanan na ang kaniyang posisyon bilang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Ayon kay Monsignor Juanito Figura, outgoing secretary general ng CBCP, bago pa ang halalan ay ipinaabot na ni Odchimar sa kaniyang mga kasamahang Obispo ang kaniyang pagnanais na huwag nang ma-nominate pa.

Ipinaliwanag nito na mahina na ang kaniyang pangangatawan at hindi na niya kaya pang magbiyahe nang magbiyahe upang katawanin ang CBCP sa mga local at international meetings nito.

Maging ang pagbiyahe lamang umano mula sa Tandag, Surigao del Sur, kung saan nanunungkulan si Odchimar, patungo sa Maynila kung nasaan ang kaniyang tanggapan bilang CBCP president, ay nahihirapan na umano siya.

“Bishop Odchimar asked not to be nominated anymore for health reasons and (because of) the difficulty of travelling from Tandag to Manila for necessary trips,” paliwanag ni Figura.

Si Cebu Archbishop Jose Palma, na siyang kasalukuyang bise president ng CBCP, ang papalit kay Odchimar, sa sandaling tuluyan na nitong bakantehin ang kaniyang puwesto sa Disyembre.

Sa pagtanggi ni Odchimar na mahalal pang muli, at pag-upo ni Palma, nasira rin ang matagal nang tradisyon ng Catholic hierarchy na ang isang CBCP president ay manungkulan ng dalawang magkasunod na termino o apat na taon sa puwesto.

Sa isinagawang halalan ng mga obispo, kasabay ng plenary assembly ng CBCP, nahalal din sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, bilang vice president; Dumaguete Bishop John Du bilang treasurer; habang si Msgr. Joselito Asis, na kasalukuyang CBCP assistant secretary general, ay nahalal bilang kapalit ni Figura.

Ang mga obispo naman na nahalal bilang regional representatives para sa CBCP Permanent Council ay sina Archbishop Sergio Utleg, Bishops Virgilio David, Arturo Bastes, Francisco de Leon, at Reynaldo Evangelista para sa Luzon; Bishops Leonardo Medroso at Patricio Buzon para sa Visayas; at Bishops Antonieto Cabajog at Guillermo Afable para sa Mindanao. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply