Chop-chop victim lumutang sa ilog

NATAGPUAN sa magkakahiwalay na parte ng katawan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na palutang-lutang sa Tullahan River sa Malabon City Lunes ng tanghali.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong 12:05 Lunes ng tanghali unang nakita ang kaliwang paa ng biktima na nakalutang sa nasabing ilog at ilang minuto ang lumipas nang makita naman ang kanang paa nito kasunod ang katawan.

Nabatid kay Mario Ramos, 62, ng Barangay Tañong, Malabon City, nakakita sa kaliwang paa ng biktima, naglalakad ito sa naturang lugar nang mapansin ang putol na paa. Dahil dito, ipagbigay-alam niya ang nakita sa pulisya. Tapos nito ay sunud-sunod nang nakita ang iba pang parte na katawan ng biktima sa iba’t ibang sulok ng nasabing ilog.

Pinagdugtong-dugtong na lamang ng mga awtoridad ang magkahiwalay na parte ng katawan ng biktima at inaalam na rin ang tunay na pagkakakilanlan nito.

Samantala, isang bangkay rin ng 79-anyos na lolo ang natagpuang nakalutang sa kahabaan ng Malabon-Navotas River ng nasabing lungsod.

Ang biktima na may sugat sa ulo ay nakilalang si Antonio Samson, 79, ng No. 113 Gen. Valdez St., Caloocan City.

Dakong 5:30 Martes ng umaga nang matagpuan ng ilang residente ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa nabanggit na ilog.

Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng NPDO matapos gawing tapunan ng mga bangkay ang Camanava (Caloocan, malabon, Navotas at Valenzuela) area nitong mga nagdaang linggo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply