Coco feel na feel si Juday!

HINDI naman nawawalan ng pag-asa si Coco Martin na matutuloy rin ang project na pagtatambalan nila ni Judy Ann Santos. Hindi rin siya naniniwala sa tsika, na diumano’y si Juday ang tumanggi na matuloy na kaagad ang kanilang pagsasama sa project dahil mas gusto ng young superstar na ang gawing comeback movie ay ang balik-tambalan din nila ng kanyang husband na si Ryan Agoncillo.

Ang katuwiran ni Coco ay magkakasama pa rin sila ng magaling na aktres sa tamang pagkataon.

Kuwento rin ng aktor ay naririnig na niya si Judy Ann na nagsasalita sa kanyang mga interbyu na magkakatambal nga silang dalawa. Maging ang talent manager din daw ng aktres na si Tito Alfie Lorenzo ay kumbinsido sa kanilang pagtatambal. Alam na rin daw niya na ang script ng proyekto na pagsasamahan nina Juday at Ryan ay suwerteng nakapasa nang isumite sa pamunuan ng Metro Manila Film Festival na gaganapin sa December kaya iyon na muna ang proyektong napagdesisyunang gawin nina Juday at Ryan.

Naaaliw rin si Coco sa mga nakakarating na salita sa kanya na positibo ang pakikipagtambal niya kung sakali kay Juday dahil ibig sabihin ay mas lalong kikilalanin ang kanyang pagiging actor. “Tsaka ibang karanasan din ‘yon para sa akin na makatrabaho ang isa sa mga nirerespeto kong aktres sa showbiz. Mabait kasi sa akin ang talent manager niya na si Tito Alfie kaya ang tagal ko na ring wini-wish na magkasama kami sa project,” wika ni Coco.

***

HINDI man pinangalanan ni Mark Gil ang bagets na diumano’y siyang ama ng ipinagbubuntis ng kanyang anak na si Andi Eigenmann, marami ang nagsasabing durog na durog ang personalidad ng young actor na si Albie Casino sa mga binitiwang pahayag ng beteranong actor sa TV host na si Boy Abunda sa programang “The Buzz” ng ABS CBN nu’ng Sunday.
Kulang na lang talaga ay banggitin ang pangalan ni Albie sa mga kuwentong pinakawalan ng anak ni Ms. Rosemarie Gil.

So far, hindi pa naririnig ang panig ni Albie. Mas pinipili kasi ng buo nilang pamilya na manahimik muna sila. Pero kung lukso ng dugo ay nararamdaman na ni Albie na siya nga ang ama ng ipinagbubuntis ni Andi, nasa sarili na niyang desiyon iyon kung makakaya niya nang buong tapang na ibigay sa kampo ni Andi ang salitang “SORRY” at kasunod noon ay wala na siyang iba pang sasabihin at babalikan sa dati nilang hidwaan ng anak ni Jacklyn Jose.

In fairness kasi kay Mark, nakakabilib talaga siya kahit sabihing napakaraming babae ang nagdaan sa kanyang buhay. Una sa lahat, napakaguwapo naman kasi niya nu’ng kanyang kabataan kaya lapitin talaga siya ng mga kababaihan.

Sa edad na l6 anyos ay naging daddy na siya. Mayroon siyang karelasyon ngayon at noon ay nakarelasyon niya rin sina Irene Celebre, Bing Pimentel at Jacklyn Jose.  Pero sa totoo lang, ilang beses man siyang nakabuntis ay wala talaga siyang tinanggihan na batang ipinagbubuntis ng isang ina at sasabihing hindi sa kanya iyon. Napakaimportante kasi talaga na ang isang sanggol ay mayroong ama na kumikilala sa kanya habang siya’y nasa sinapupunan pa ng kanyang ina hanggang sa maisilang.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply