Comelec makikinig kina Zaldy, Bedol

INTERESADO ang Commission on Elections (Comelec) na malaman ang mga ibubunyag ng suspendidong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan at ni dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol, hinggil sa umano’y naganap na dayaan sa 2007 senatorial elections.

Ito’y sa kabila umano nang kuwestiyonableng kredibilidad nina Bedol at Ampatuan, na isa sa mga pangunahing suspek sa Maguindanao Massacre.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, katulad ng publiko, interesado rin ang poll body na malaman ang sinasabi ng mga itong dayaan sa halalan noong 2007.

Gayunman, ayaw pa muna umano nilang magbigay ng kongklusyon hinggil sa naturang mga pagbubunyag.

“Siguro gusto nila sabihin ano ang katotohanan. We would also like to know. We don’t want to make any conclusions yet. Tingnan natin anong sasabihin nila,” pahayag ni Brillantes.

Tiniyak rin naman ni Brillantes na iimbestigahan ng Comelec ang mga ibinunyag nina Bedol at Ampatuan at maaaring mag-inhibit siya sa imbestigasyon dahil sa naging abogado siya ng oposisyon noong 2004 at 2007 elections.

Sa ngayon, ay inaalam muna aniya ng Comelec ang posibleng kinaroroonan ni Bedol, lalo na’t una nang napaulat na magtutungo ito sa Maynila.

“Pinakikiramdaman namin kung nasaan,” ayon kay Brillantes.

Inatasan na rin umano niya ang legal department na alamin kung maaari pang magpalabas ng bagong warrant of arrest para kay Bedol.

Una nang itinuro nina Bedol at Ampatuan si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na umano’y utak sa nangyaring dayaan noong 2007 midterm elections.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply