Dapat imbestigahan din si Margie Juico

MAY panibagong zarzuela na naman sa Mataas na Kapulungan o Senado na tinututukan ng buong sambayanan.

Ito ay ang ginagawang hearing o pagdinig hinggil sa umano’y mga katiwalian na kinasasangkutan ng dating opisyales ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ayos naman sana ang mga pagdinig na ito kaya lamang ay mukhang hindi patas ang laban.

Nauubos kasi ang oras ng mga senador sa pagtatanong hinggil sa mga natuklasan umanong katiwalian ng nasabing mga opisyal at halos hindi na makapagsalita ang mga ito para ipaliwanag ang panig nila.

Kapansin-pansin din na halos hindi nila pi-nagsasalita ang dating PCSO Chairman at board member na si Manuel “Manoling” Morato na higit kaninoman ay siyang may pinakamaraming nalalaman sa mga takbo ng operasyon sa ahensiya sa tagal niya sa riot.

Alam kasi ng mga senador na may pasabog din si Morato laban sa kasalukuyang  PCSO  Chairman na si Margie Juico kaya hangga’t maaari ay nililimitahan nila ang oras at partisipasyon niya sa pagdinig.

Hindi ko tuloy masisisi si Manoling kung sa media na lamang niya ibinubulalas ang mga nalalaman niya laban kay PCSO Chairwoman Juico.

Ang ilan sa mga akusasyon niya ay ang pagbili umano ni Juico nang baby incubators sa halagang P1.8 milyon bawat isa gayong tig-P200 libo lang daw ito.

Bumili rin umano si Juico ng mga portable x-ray sa halagang P4.9 milyon pero dapat ay  P1.25 milyon lamang ang mga iyon.

Bumuwelta rin si Manoling sa kontrobersiya sa advertising.

Sinasabi niya na may mga alaga ring advertising companies si Juico na karamihan ay mula sa sports sector na pinaboran niya at kung saan ay kumita rin siya ng milyon-milyon sa komisyon.

Ang asawa kasi ni Margie na si Philip ay isa sa mga itinuturing na kilalang sports leaders sa bansa.

Pinagbibintangan din ni Manoling si Margie na nagsisinungaling at desperado dahil takot siya na maapektuhan ng bagong pasang batas sa Government Owned and Controlled Corporation Governance Act na nagtatakda na dapat ay isang  taon lang ang mga gaya niya sa puwesto.

Para sa akin ay masyadong seryoso ang mga bintang na ito ni Manoling kaya hindi ito dapat ipagwalang-bahala hindi lamang ng Senado kundi maging ng Palasyo.

Sa panahong ito na naglilinis ng bahay, wika nga, si Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III dapat ay walang matira kahit isang anay sa Palasyo para masiguro niya ang integridad ng kanyang administrasyon.

Sa madaling salita dapat maimbestigahan din si Chairman Juico para naman maipagtanggol niya ang sarili laban sa mga bintang ni Manoling.

Walang dapat ikatakot o ikahiya si Juico kung wala siyang anomalya.

Dito masusukat naman kung nagsisinungaling o hindi si Manoling.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply