DAR: Pagbabahagi ng lupain ng Luisita gawing aktuwal

HINILING ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamunuan ng kontrobersiyal na Hacienda Luisita na agad isagawa ang pagbabahagi ng lupain nito sa mga magsasaka sa kabila ng desisyon ng Mataas na Hukuman na magsagawa muna ng referendum upang matiyak ang tunay na damdamin ng mga magsasaka doon.

Sa panayam Kay Atty. Jobert Pahilga, abogado ng grupong Alyansa ng mga Mabubukid sa Hacienda Luisita (Ambala), sinabi nitong hindi naman umano nagkakalayo ang botohan ng mga mahistrado sa kanilang desisyon na muling idaan sa referendum ang Hacienda Luisita case.

Maalala sa naging botohan, anim na mga SC justice ang pabor sa referendum habang apat ang tutol. Nag-inhibit naman sa botohan si Senior Associate Justice Antonio Carpio at nasa official leave si Associate Justice Diosdado Peralta.

Pero ayon kay Pahilga, maging si Supreme Court Chief Justice Renato Corona ang nagsabing “unconsitutional” ang stock distribution option.

“Dahil sa very slim margin, tiwala kami na magbabago pa ang posisyon dito ng Supreme Court,” giit ng abogado.

Ayon kay Agrarian Reform Secretary Virgilio delos Reyes, sa pamamagitan umano ng Office of the Solicitor General, igigiit ng gobyerno na kailangang magkaroon ng aktuwal na pamamahagi ng lupa sa farmer-beneficiaries.

“Ang dapat mangyari ayon sa Section 31 ng Republic Act 6657, pinawalang bisa na ang SDP (stock distribution plan) at ipamahagi na ang lupa sa mga magsasaka,” ayon sa nilalaman ng apelang inihain ng DAR kaugnay ng desisyon ng korte na magdaos ng referendum ukol sa usapin.

Sinabi pa ni Delos Reyes na hindi na kailangan ang referendum sa usapin, na taliwas sa ipinag-utos ng Supreme Court.

Nagpahayag ng buong pagtitiwala ngayon ang grupo ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita na pakikinggan ng Supreme Court ang kanilang panawagan para sa aktuwal na pamamahagi ng mahigit 6,000 ektarya ng hacienda sa lalawigan ng Tarlac.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply