Dayaan sa 2007 elections ibinunyag ni Bedol

SA paglutang ng kontrobersiyal na provincial election supervisor (PES) g Maguindanao na si Atty. Lintang Bedol ay kanyang ibinunyag ang umano’y dayaan sa 2007 senatorial elections, na utos umano mismo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Bedol, matapos ang halalan ay kumilos ang mga operator ng ‘dagdag-bawas’ upang matiyak ang panalo ng mga kandidatong senador ng dating pangulo.

Sinabi pa ng election supervisor, peke ang ‘12-0’ na resulta ng halalan pabor sa administration candidates.

Kinumpirma rin nito ang unang pahayag ni suspendidong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Zaldy Ampatuan, na si Senador Juan Miguel Zubiri ang nakinabang sa naturang dayaan sa halalan, na mariin nang pinabulaanan ng senador.

Kumbinsido rin si Bedol na si GMA ang ‘utak’ umano ng naturang dayaan.

Aminado naman si Bedol na hindi mismo ang dating pangulo ang kanyang nakakausap, ngunit iginiit na kumikilos ito sa pamamagitan ni dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos Sr..

Maliban kay Abalos, inakusahan din ni Bedol na kasabwat ni Abalos sina Commissioner Rene Sarmiento at dating Commissioner Nicodemo Ferrer sa pagmanipula ng eleksiyon.

Bistado aniya ang tatlo dahil nagtungo pa umano ang tatlo sa Mindanao upang patotohanan lamang na genuine ang pekeng election forms.

Pinagsabihan pa umano siya ni dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. hinggil sa utos ng palasyo na bokyain sa halalan ang tatlong senatorial candidate ng oposisyon na sina Pangulong Benigno Simeon Aquino III at Senators Panfilo Lacson at Alan Peter Cayetano.

Nagdalawang-isip pa umano siya na sundin na bigyan ng zero vote si Lacson dahil kaibigan rin niya ito.

“Worried ako dito kay Lacson, kasi kaibigan ko din e,” ani Bedol.

Nang tanungin kung sino ang sinasabi ni Andal Sr. na may pakana ng halalan, walang gatol na sinabi ni Bedol na “si Gloria.”

Iginiit din ni Bedol na hindi siya ang dapat na nagtago sa naturang anomalya sa eleksiyon.

Hindi rin aniya siya ang dapat na makulong kung hindi ang mga tunay na nandaya sa eleksiyon.

Handa rin umano siya na tumestigo sa anumang forum kapag natiyak ang kaniyang seguridad.

Samantala, hindi naman umano nababahala ang kampo ni GMA, na ngayon ay kinatawan na ng ikalawang distrito ng Pampanga, dahil ayon kay Atty. Raul Lambino, legal spokesman ng dating pangulo, pawang hearsay o sabi-sabi lamang ang mga isiniwalat ni Bedol.

Ani Lambino, hindi direktang nakakausap ni Bedol dahil hindi naman niya ito kilala, at kinuwestiyon kung bakit ngayon lang ito lumantad kung kailan bumababa ang rating ni PNoy.

Giit pa ni Lambino, pulitika ang dahilan sa likod nang biglaang paglutang ni Bedol.

Mariin din namang itinanggi ng Comelec ang mga akusasyon ni Bedol at sinabing hindi peke ang election forms na ipinadala nito sa Maguindanao.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply