Dayaan sa 2007 elections pinabulaanan ni Zubiri

MARIING pinabulaanan ni Sen. Juan Miguel Zubiri na sangkot siya sa naganap na dayaan sa lalawigan ng Maguindanao na siyang ipinaparatang ngayon ni dating Autonumous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan.

Sa pahayag, sinabi ni Zubiri na kahit kailan hindi siya nandaya sa anumang halalan kaya’t nararapat lamang umanong imbestigahan ng awtoridad ang paratang at ipakulong ang sinumang sangkot dito.

“We wiill never condone it. Hindi po namin gawain yan. Kung may gumawa niyan dapat parusahan,” ayon kay Zubiri.

Sinabi pa ni Zubiri na wala nang kuwenta ang pagbubulgar ni Ampatuan dahil inalis na ang resulta ng botohan sa Maguindanao sa protestang inihain ni Atty. Aquilino Pimentel III.

“Wala nang silbi ang rebelasyon ni Ampatuan dahil ipinatanggal na ang resulta ng botohan sa Maguindanao sa nakabinbin na electoral protest case ni Atty, Aquilino “Koko” Pimentel III sa Senate Electoral Tribunal (SET),” paliwanag ni  Zubiri.

Dahil dito, hinikayat ni Zubiri ang awtoridad partikular ang Commission on Elections (Comelec) na imbestigahan ang ibinulgar ni Ampatuan na inatasan sila ni dating First Gentleman Atty. Jose Miguel Arroyo na dayain ang boto ng tatlong senador upang makapasok ang kandidato ng administrasyon.

“Kahit sino ang sangkot sa sindikato ng pandaraya ay dapat na parusahan sa ilalim ng batas ng Pilipinas,” aniya.

Ibinugar ni Ampatuan na inatasan umano sila ni Ginoong Arroyo na dayain ang botohan sa Maguindanao partikular ang boto nina Pangulong Benigno Aquino III (noon ay tumatakbong senador), Sen, Panfilo Lacson at Sen. Alan Peter Cayetano upang makapasok ang kandidato ng administrasyon.

Katuwiran umano ni Mr. Arroyo na masyadong maingay si Lacson kaya’t nararapat nang patahimikin ito sa pamamagitan ng pandaraya at kay Cayetano na walang naitulong sa administrasyon ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kahit tinutulungan nito ang ama na manalo bilang senador.

Nakatakdang ilantad naman ni Zubiri sa pamamagitan ng isang power point presentation ang sistema ng “dagdag-bawas” sa Kamaynilaan na isa siya sa naging biktima at kung bakit bumaba ang kanyang boto na siyang laman ng kanyang protesta.

Naideklara si Zubiri bilang ika-12 senador matapos dumating sa national canvassing board ng Comelec ang boto mula sa Mindanao na siyang nagpalaglag kay Pimentel.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply