Dayaan sa Maguindanao ‘di batayan ng panalo ni FPJ

NILINAW ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi sapat ang akusasyon na pandaraya sa halalan sa Maguindanao para sabihin na si dating presidential candidate Fernando Poe Jr. ang nanalo sa 2004 presidential elections laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon kay Enrile,  mahabang proseso ang kailangang gawin kung nais ng sambayanan na malaman kung sino ang talagang nanalo sa 2004 presidential elections dahil kailangang rebisahin ang buong 2004 elections at hindi lamang ang ginanap  na halalan sa Maguindanao kundi sa buong bansa.

“Kung ang gagawin natin ay patunayan na nanalo si FPJ at hindi nanalo si Presidente Gloria, ibig sabihin nun, rerebisahin natin ang buong elections noong 2004,” ayon kay Enrile.

Pero ayon kay Enrile, kung ang isyu lamang ng dayaan sa naturang lalawigan ang pakay na resolbahin, nariyan na aniya ang lumutang na testigo tulad nina dating Maguindanao elections supervisor Lintang Bedol para dalhin sa korte.

“Yung nangyari sa Maguindanao, kung totoong nandaya doon crime na yun.’That alone will impose a penalty on anybody,” dagdag pa ng senador.

Una nang sinabi ni Enrile na hindi siya pumapabor na panghimasukan pa ng Senado ang imbestigasyon sa nakaraang mga halalan ngayong lumutang na sina Bedol at dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan sa halip mainam aniyang dalhin ito sa husgado.

Kaugnay rin nito, umaasa si Sen. Francis Escudero na malaki ang maitutulong ni Bedol para makamit ang katarungan ni Fernando Poe Jr.

Sinabi pa ni Escudero na inaasahan din niyang maikakanta na ni Bedol kung sino-sino ang mga nag-utos sa kanya at nag-operate para dayain si Poe.

Kaugnay nito, iginiit ni Escudero na dapat gamiting ebidensya ng pamahalaan laban kay dating Pangulong Arroyo ang “Hello, Garci” tapes.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply