Dayuhan nameke ng pirma ng BI chief

AKALA ng isang dayuhan na ang pirma ng punong opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang magiging susi upang makakuha ito ng pasaporte sa Department of Foreign Affairs (DFA) pero matimbog ito dahil sa pamemeke.

Sa kalatas na ipinalabas ng kawanihan, kinilala ni BI Intelligence Chief Maria Antonette Bucasas-Mangrobang ang dayuhan na si Eddy Hu, 61, at tubong Phnom Penh, Cambodia.

Ayon kay Mangrobang, akala ni Hu na ang pagiging kamukha ng mga Filipino ang magiging hagdan niya upang maging isang ganap na kababayan at makakuha ng pasaporte.

Gayunpaman, nagkamali si Hu sa kanyang ginawa dahil pineke nito ang pirma ni BI Commissioner Ricardo David sa isang sertipikasyon na nagpapatunay na siya ay isang Filipino.

“Bukod sa pekeng pirma sa pekeng sertipikasyon, hindi rin marunong magsalita ng wikang Tagalog ang banyaga, isang senyales sa mga empleyado ng DFA upang magduda sa kanyang aplikasyon para sa pasaporte,” dagdag pa ni Mangrobang.

Pinapurihan naman ni DFA Secretary Albert Romulo ang mga tanggapan ni David sa magarang aksyon ng kawanihan.

Ayon kay DFA Spokesman Raul Hernandez, napigil ng kagawaran at kawanihan ang pagtatangka ng isang dayuhan na makakuha ng Philippine passport sa paniniwalang ang pagiging ‘kamukha’ ng mga Filipino ang magiging batayan para sa makatanggap ng nasabing dokumento.

Sa isinagawang imbestigasyon, nagbigay ng isang katibayang pirmado umano ni David si Hu sa mga empleyado ng DFA Office of Consular Affairs na nagpapatunay na ito ay isang Filipino na ipinanganak sa Sta. Cruz, Maynila noong July 16, 1950.

Bukod sa sertipikasyon, nagsumite rin si Hu ng pekeng marriage certificate na nagsasabing kasal ito sa isang Pilipina subalit ang pangalan ay hindi katugma ng mga pangalan ng mga Pilipino.

Dahil dito, nagduda na ang mga empleyado ng DFA kaya tumawag ito sa immigration upang alamin kung totoo ang isinumiteng katibayan at kung nagbibigay ang kawanihan ng nasabing dokumento.

Napag-alaman din na ang mga pekeng dokumento na isinumite ni Hu ay galling sa Recto Avenue, Sta. Cruz, Maynila — kilalang lugar ng mga pekeng dokumento — at inasikaso ng isang Nick Waquiz, isang Filipino, kapalit ng halagang P40,000.

Sinabi pa ni Mangrobang na patatalsikin ng Pilipinas si Hu na kasalukuyang nakapiit sa immigration detention cell sa Bicutan, Taguig City dahil sa pagiging isang hindi kanais-nais na dayuhan sa bansa.

Hindi na rin makakabalik sa bansa ang dayuhan dahil ilalagay ang pangalan nito sa talaan ng mga blacklisted na banyaga sa Pilipinas.

Habang si Waquiz naman ay ipinasa sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) upang maimbestigahan at makasuhan ng pamemeke ng pampublikong dokumento. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply