Death toll ng bagyong ‘Juaning’ 35 na, pinangangambahang lolobo pa

UMAKYAT na sa 35 ang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng bagyong “Juaning” (international name: Nock-ten) bago nito nilisan ang Philippine area of resposibility at pinangangambahang lolobo pa dahil sa
may 27 pang nawawala.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, iniulat nito na sa nakalipas na magdamag, walo pang fatalities ang nadagdag sa kanilang talaan kabilang na rito ang dalawang pulis at dalawang sibilyan na natabunan nang naganap na landslide sa laalwigan ng Ifugao.

Kinilala ni Ramos ang mga mga nadagdag na sina Booy Maching at Dino Naban, Senior Police Officers 2 Jeff Domingo at PO2 Ricky Agwit na pawing nahukay sa ilalim ng guho.

Naitala ng disaster council ang dalawang patay sa Quezon province, anim sa Catanduanes, pito sa Camarines Norte, dalawa sa Cavite, isa sa Camarines Sur, Marinduque, Iloilo, Siquijor at Las Piñas City, habang siyam naman sa Albay na kasalukuyang nasa state of calamity.

Umaabot naman sa 130,225 pamilya o kabuuang 648,362 indibidwal ang direktang naapektuhan ng bagyo habang 36 ang nasaktan at patuloy na hinahanap ang 27 nawawala .

Kaugany nito, hindi napigilan ni Ramos na ihayag ang matinding political will ang kinakailangan ng mga local government unit upang matiyak na magiging matagumpay ang zero casualty campaign ng gobyerno.

Sinabi ni Ramos na taun-taon ay marami ang namamatay dahil marami pa rin ang nakatira sa mga identified landslide at flood prone areas.

Hindi din aniya nakikinig sa warning, partikular na ang mga mangingisda na pinakamarami sa kumpirmadong 35 tao na namatay dahil sa bagyong Juaning.

Binigyang-diin ni Ramos, dapat kumilos na ang mga opisyal ng pamahalaan para alisin ang mga residente sa mga peligrosong lugar lalo na tuwing panahon ng tag-ulan.

Kabilang sa mga biktima ang isang dalagang nalunod sa Dalahican, Lucena, isang matandang lalaki sa Bato, Catanduanes, isa sa Marinduque at isa sa Camarines Sur.

Dalawa naman dito ay sina Arvie Verano at Jess Mike Ferdinand, kapwa residente ng San Nicolas, San Antonio, Zambales, na sinasabing nalunod habang naliligo sa dagat dahil sa malakas na alon.

Inamin ng opisyal na posibleng madadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi kasunod ng nangyaring landslide kagabi sa bayan ng Aguinaldo, Ifugao.

“Kagabi, may nangyaring landslide sa bayan ng Aguinaldo, Ifugao. May isang trak na nabalaho sa gitna ng daan, tumulong ang isang pulis, ayon kasama ang pulis sa natabunan ng lupa,” ani Ramos.

Samantala, 27 pa ring katao ang patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad hanggang sa kasalukuyan.

Ayon pa rin sa NDRRMC, mayroong kabuuang 129,795 pamilya ang nasalanta ng bagyo o tinatayang nasa 646,289 indibidwal.

Pinakamarami umano sa mga biktima ay mula sa Region 5 o Bicol region.

Samantala, nagpaalala naman si Ramos na posibleng abutin pa ng dalawang araw bago bumalik sa normal ang suplay ng kuryente sa mga naapektuhang lalawigan.

Paliwanag ng opisyal, kailangan pa umanong hintaying matuyo ang mga putik sa mga facilities ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bago makumpuni ng mga engineer ang mga linya.

Sa kabilang dako, balik na sa normal ang biyahe ng mga barko sa Batangas port matapos ang pananalasa ng bagyong Juaning.

Nabatid na pinayagan nang makabiyahe ang mga barko patungong Calapan, Oriental Mindoro, Abra de Ilog, Occidental Mindoro at Ochungan, Romblon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply