Dengue lumala dahil sa bentahan ng tuko

IBINABALA ni Sen. Manny Villar na lubhang madidiskaril ang kampanya ng pamahalaan sa paglaganap ng dengue mosquitoes kung magpapatuloy ang bentahan ng tuko, na kumakain ng lamok.

Sinabi ni Villar, chairman ng Senate committee on trade and commerce na kapag nagpatuloy ang bentahan ng tuko sa bansa, malamang maubos ang populasyon ng ganitong uri ng reptile na kumakain ng insekto tulad ng lamok.

“Base sa huling ulat na nagsasabing tumaas ang insidente ng paghuhuli at bentahan ng tuko dahil mataas ang halaga nito sa international wildlife market na siyang nagpataas naman ng bilang ng pasyenteng apektado ng dengue na minomonitor ngayon ng Department of Health,” ayon kay Villar.

Iniulat ng datos na nakalap ng Disease Surveillance Report ng DOH-National Epidemiology Center (NEC) mula Enero hanggang hunyo 2011, tinatayang umabot na sa 27,000 ang kaso ng dengue sa buong bansa.

Nagkainteres ang marami na manghuli ng tuko dahil sa paniniwalang nakagagamot ang hayop ng sakit na kanser, hika, tuberculosis, impotence at kahit Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS).

Ngunit, tiniyak ng DOH na walang nagpapatunay o siyentipikong basehan na nakagagamot ng AIDS at hika ang tuko.

Alinsunod sa ulat, naibebenta mula sa halagang P50,000 hanggang P500,000 ang isang 500 gramo ng tuko na pangkaraniwang natatagpuan sa ilang kabahayan at kapaligiran. Kalimitan na isinasagawa ang bentahan sa online sa pamamagitan ng networking sites o iba pang internet-based marketing networks na kung saan naisasagawa ang highest bidder.

Idinagdag pa ni Villar na kailangang kumilos kaagad ang pamahalaan upang mailigtas ang ganitong uri ng hayop mula sa naturang banta dahil malakig papel ang ginagampanan ng tuko sa pagbabalanse ng kalikasan.

Dahil dito, inihain ni Villar ang Senate Resolution No. 538 na inaatasan ang committee on trade and commerce na magsagawa ng imbestigasyon sa malawakang bentahan ng tuko upang makalikha ng kaukulang batas na magbibigay proteksiyon sa naturang uri ng hayop, tiyakin na di maubos ang tuko at mapanatili ang pagbabalanse nito sa ecosystem.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply