Doktor na kinasuhan ng malpractice lusot sa SC

INABSUWELTO ng Korte Suprema sa anumang pananagutan ang isang cancer expert na unang pinagbabayad dahil sa pagkamatay ng 11-anyos na pasyente sa Legazpi City.

Ito ay makaraang paboran ng Supreme Court en banc ang petition ni Dr. Rubi Li na kumukuwestiyon sa desisyon ng Court of Appeals na nag-aatas sa doktor na bayaran ng P428,892.43 ang mga magulang ng kanyang pasyente na may kanser na namatay habang sumasailalim sa chemotherapy.

Ayon sa CA,  nagkaroon ng pagpapabaya sa panig ng manggagamot nang hindi ipaliwanag sa mag-asawang Reynaldo  at Lina Soliman ang epekto ng chemotherapy sa pasyente gaya ng pagbaba ng puti at pulang blood cells,  blood platelets, posibleng pagkasira ng kidney at puso at pangingitim ng balat.

Ngunit sa sinulat na desisyon ni Associate Justice Martin Villarama, mas binigyang-merito ang depensa ni Dr Li na nagsasaad na pinaliwanag niyang mabuti sa mga magulang ng pasyente ang lahat ng magiging epekto  ng chemotherapy sa bata.

Binalewala rin ng SC ang inihaing testimonya ni Dr. Melinda Vergara, ng DOH operational and management services na tumatanggap ng mga reklamo laban sa mga hospital, dahil sa hindi pasado bilang expert testimony.

Sa pagkatig sa doktor, sinabi ng Korte Suprema na para magtagumpay ang kaso ng medical malpractice kailangang makapagpresenta ng matibay na expert opinion ang sinumang complainant.

Una nang napatunayan ng Legazpi City RTC na ginawa ni Dr. Li ang lahat ng kailangan at kaalaman sa pagkakaloob ng chemotherapy drugs   sa pasyente. Ginawa rin ang lahat ng paghahanda sa posibleng mapanganib na epekto ng naturang gamot sa batang pasyente. Teresa Tavares

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply