Enrile binuhay ang usaping Cha-cha

MULING binuhay ni Senate President Juan Ponce Enrile ang usaping Charter change o pag-amyenda ng Saligang Batas.

Binigyang-diin ni Enrile na panahon na para amyendahan ang Economic Provisions ng 1987 Constitution para mapaunlad ang ekonomiya ng bansa at makalikha ng maraming trabaho.

Napapanahon na umano para simulan ang debate kaugnay sa panukala na nagsusulong ng pag-aamyenda ng 1987 Constitution.

Ito ang kabilang sa nilalaman ng pananalita ni Senate President Juan Ponce Enrile kasabay ng pagbubukas ng second regular session ng 15th Congress kahapon bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino

Ayon kay Enrile, mahalagang simulan na ang debate sa Cha-cha dahil hindi na angkop ang kasalukuyang Konstitusyon para tugunan ang pangangailangan ng polisiya lalo na sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.

“Congressional action on this proposition may not come soon enough but now is the appropriate time to lay it down on the table. As elected officials, we should be bold enough to finally discuss the need to initiate this,” ayon kay Enrile.

Maliban sa Cha-cha, tiniyak din ni Enrile na masisimulan na ang debate sa plenaryo ng kontrobersiyal na Reproductive Health Bill, habang magpapatuloy din umano ng imbestigasyon ng Senado sa mga katiwalian sa pamahalaan sa layuning makapagbuo ng nararapat na batas upang tuluyang mapuksa ang korupsyon  sa gobyerno.

Binanggit din ni Enrile ang girian sa pagitan ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea na aniya’y wake-up call, bagama’t kailangan umanong resolbahin ito sa diplomasyang paraan. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply