ER switching sa Batasan pinaimbestigahan ulit

BILANG tugon sa panawagan ng mga kongresista, iniutos ni Speaker Feliciano Belmonte na imbestigahan muli ang umano’y pagpapalit ng election returns (ER) noong 2004.

Inihayag ni Belmonte na inatasan na niya si House secretary-general Marilyn Barua-Yap na kunin ang mga rekord at anumang ebidensya na naiprisinta nang isagawa ang pagsisiyasat.

Maging ang security team ng Kamara ay inatasan na rin na magsagawa ng masusing ebalwasyon sa lahat ng mga miyembro nito upang matiyak ang kanilang katapatan sa kanilang tungkulin.

Agad namang sumagot ang kampo ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at mariing pinabulaanan ang mga alegasyon na nagkaroon ng ER-switching sa Batasang Pambansa noong mga halalan noong 2004 at 2007.

Sinabi ni Atty. Raul Lambino, legal spokesman ni Arroyo, natatandaan ng dating Pangulo na ang naturang usapin ay matagal nang naimbestigahan ng Kamara de Representantes sa ilalim ng pamunuan ni dating Speaker Jose de Venecia.

Idinagdag pa nito na wala namang naging resulta ang imbestigasyon kahit na nagkahiwalay sa pagiging magka-alyansa sa pulitika sina De Venecia at Arroyo noong 2007 kaya’t inilarawan na lamang ni Lambino na isang “rehashed” ang mga alegasyong ito.

Ani Lambino, hindi nito alam kung ano ang motibo sa likod ng naturang mga ulat maliban na lamang umano kung mayroong nagnanais na sumikat mula sa usaping ito.

Mas mabuti pa umanong makita ng kampo ni Arroyo ang sinumpaang salaysay at ebidensya ng mga nag-aakusa dahil sa ngayon ay wala namang maituturing na bagong ebidensya. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply