Ex-COA chair dawit sa anomalya sa PCSO

MALAKI ang posibilidad na madawit sa anomalya si dating Comission on Audit (COA) Chair Reynaldo Villar sa ginawang pagtatakip sa paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Batay sa nakalap na impormasyon ni Sen. Franklin Drilon, ilang COA auditor ang nagsabing agad na inaprubahan ni Villar ang liquidation ng P17.5-milyon intelligence fund ni dating PCSO general manager Rosario Uriarte noong 2008.

Ayon kay Drilon, ang naturang halaga ay inilabas ng tatlong beses ng PCSO mula sa Philippine National Bank (PNB) sa huling tatlong linggo ng termino ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nagpalabas kaagad aniya ng Credit Memorandum si Villar matapos magsumite ng mga dokumento si Uriarte para i-liquidate ang naturang halaga na nangangahulugang pag-apruba sa liquidation.

Sinabi ni Drilon na hindi normal ang ganitong sitwasyon at hindi rin malayong inaprubahan ni Villar ang liquidation ng bahagi ng P325 milyon na dagdag na intelligence funds sa nakalipas na dalawang taon ng Arroyo Administration.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply