Ex-councilor pinakakasuhan sa Ombudsman

ISA pang lokal na opisyal ang pinatikim ng bagsik ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro nang iniutis nito ang pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan laban kay dating Sangguniang Panlalawigan Councilor Carlomagno M. Batalla ng Pili, Camarines Sur.

Labing-walong bilang ng kasong Usurpation of Authority or Official Function na tinutukoy ng Article 177 ng Revised Penal Code (RPC) ang ipinahahain laban kay Batalla.

Nag-ugat ang kaso nang gampanan ng konsehal ang tungkulin ng provincial governor ng naturang probinsiya, o ng awtorisadong kinatawan nito, mula Enero hanggang Hunyo 2008 kahit na hindi naman siya karapat-dapat ang gumawa nito.

Nabatid na si Batalla ang lumagda at nag-verify sa nakasaad na office hours sa Daily Time Record (DTR) nina Xandrex M. Batalla, Julian B. Dela Cruz, at Henry M. Perez, na nakatalaga sa Provincial Governor’s Office.

Gumagamit ang probinsiya ng computerized biometric machine at video camera para makuha ang attendance ng mga empleyado ng probinsiya.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na wala sa ilalim ng direktang supervision at kontrol ni Batalla ang tatlong kawani kung kaya wala siyang karapatan na lagdaan at pagtibayin ang katotohanan at pagiging tama ng mga nakasaad sa DTRs ng mga ito.

Ang Office of the Provincial Governor o ang Executive Assistant, bilang pangkalahatang administrador ng tanggapan, ang may karapatan na gumawa nito sa anumang sitwasyon.

Inirekomenda ng Ombudsman ang P10,000 kada information na piyansa para kay Batalla.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply