Freedom of information at mga opisyal ng gobyerno

ISUSULONG na ni Pangulong Noynoy ang panukalang Freedom of Information.

Sa kalayaan o karapatan sa impormasyon, inaasahang magkakaroon na ng armas ang mamamayan sa paghahalungkat ng anomang sikreto mayroon ang sinomang opisyal o empleyado ng gobyerno.

Lalo na ang mga transaksyon na pinapasok ng mga ito na ikinadadamay ng pamahalaan. Iilan lang yata ang palulusutin na hindi pupuwedeng kalkalin ng mamamayan gaya ng sikreto sa seguridad.

Siyempre pa, kasama ang mediamen sa mga magkakaroon ng karapatan sa impormasyon lalo’t ang trabaho nila ay maglabas ng mga balita sa ere, internet at papel gaya ng ating diyaryong Remate at Remate online.

MGA KONTRABIDA

Pero hindi madaling maipasa sa Kongreso ang panukalang ito.

Tiyak na may maglalagay ng harang dito. Sa dami ba naman kasi ng sikreto ng mga kongresman at senador.

Sa pork barrel, sa sugal, sa smuggling, sa mga asawa, kamag-anak, kaibigan, kabarilan at kabarkada na sangkot sa agawan sa kontrata at puwesto sa gobyerno.

Anak ng 200 putakte (nasa 200 ang mga mambabatas), sino naman ang magpapahamak ng kanilang mga sarili? Iiral sa mga mambabatas ang “right against self-incrimination.”
He-He-He!

KONTRABIDA SA MGA AHENSIYA

Ipagpalagay nating maipasa ang panukala bilang batas at mapirmahan na rin ni PNoy, sa palagay niyo ba, eh, magagamit natin kaagad ito?

Sa dami ng gabinete mismo ni PNoy na maaaring ayaw magpasilip at magpakopya ng mga dokumento, paano ka magkakaroon ng impormasyon?

Baka hindi ka pa nga makapasok sa Malakanyang kung gusto mong pumasok diyan para magkalkal ng papeles.

May problema rin sa mga ahensiya na katulad ng Department of Justice at Sandiganbayan.

Ugali rito ang pagtatago ng mga dokumento. Subjudice, katwiran ng mga ito kung papasok ka riyan na may layuning maghalungkat ng mga kaso.

Ibig lang nating sabihin, mga Bro, na kung ipasa na batas ang FOI, dapat repormahin din ang mga ahensiya ng pamahalaan para tumugon sila rito.

Kung hindi, magiging walang kuwenta ang FOI.

oOo

Anomang reklamo ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply