Gabinete ni PNoy i-lifestyle check– Cayetano

IMINUNGKAHI ni Sen. Alan Peter Cayetano kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na maglunsad ng sikretong lifestyle check sa lahat ng miyembro ng Gabinete at appointees upang matiyak na walang nagpapayaman sa bagong administrasyon.

Sinabi ni Cayetano na isa lamang ito sa puwedeng ipangako ni Pangulong Aquino sa ikalawang state of the nation address (SONA) sa joint session ng Kongreso sa Lunes.

Sinabi ni Cayetano na habang may nagdududa pa rin kung determinado ang administrasyong Aquino sa paglaban sa graft and corruption sa gobyerno, dapat gumawa ng kakaibang hakbang si  Pangulo Aquino upang masiguro lamang na sinusunod ng kanyang opisyales ang hangarin nitong ‘”tuwid na landas.”

“Why don’t we form an elite team whose only job is to conduct lifestyle checks discretely without any exceptions regardless of position? It can be a presidential commission against graft or an attachment to the Office of the Ombudsman. This can serve as an assurance to the public that the fight against graft is non-stop,” paliwanag nito.

Nanindigan si Cayetano na kailangan lubusang malabanan ni Pangulong Aquino ang korapsyon sa gobyerno, kaya nararapat na ipatupad nito ang three-fold approach.

Una ang paglalaan ng malaking budget sa Witness Protection Program (WPP) upang mas marami pang testigo ang lumantad at magsisiwalat sa mga nalalaman nilang kurakutan sa gobyerno.

Pangalawa ang pagsasabatas ng Freedom of Information (FOI) bill na ilang taon nang nabuburo sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ang panghuli ay ang pagpapatupad ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno.

“We need a strong ace. Look at what happened to Jun Lozada, to Sandra Cam and to all the other whistleblowers before. There are those who go without security anymore, no longer have jobs and whose families are still in constant danger,” paliwanag ni Cayetano sa pagsusulong ng malaking budget sa WPP.

Iginiit pa ni Cayetano na mas makabubuting maglaan ng mas malaking pondo ang administrasyon sa WPP dahil dumadami ang anomalyang nauungkat sa nakaraang administrasyon na posibleng maglutangan ang mga testigo.

Ngunit, aniya, mabibigong makalutang ang mga bagong testigo kung hindi sila bibigyan ng proteksiyon ng pamahalaan tulad nang nangyari sa mga testigo laban sa nakaraang administrasyon na tila nawalan ng saysay ang sinuong na panganib dulot ng kawalan ng suporta sa WPP.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply